Nalampasan ni high jumper Leonard Grospe ang taas na 2.23 metro sa kanyang unang pagtatangka na naging daan para masungkit niya ang ginto sa ICTSI Philippine Athletics Championships sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac nitong Biyernes ng gabi.
Mahigit isang buwan matapos itakda ang bagong pambansa at personal na rekord na 2.22m sa NCAA Season 101 noong Mayo 5 sa parehong pasilidad, muling nagningning si Grospe sa bagong pambansang record.
Dahil sa kumpiyansa, itinaas ng bronze medalist ng 33rd Thailand Southeast Asia (SEA) Games ang bar sa 2.25 metro ngunit hindi na ito nalampasan.
Tuwang tuwang nanood ang coach na si Sean Guevarra, may hawak ng dating rekord na 2.17m na tumagal ng 19 na taon bago ito nabasag ni Grospe sa unang pagkakataon sa 2024 edisyon ng torneo sa pamamagitan ng 2.20m.
“Sobrang masaya ako (ma-break ang record) kasi eto po ‘yung standard sa last Asian Jumps,” pahayag ni Grospe, na tinutukoy ang winning jump na 2.23m ni Mutaz Aissa Barsham sa torneo na ginanap noong nakaraang buwan sa Chongqing, China.
“Actually ‘yung target namin this year is 2.25 kasi nakikita namin sa preparation namin during training na capable siya mag-jump ng ganun kataas,” ani Guevarra.
Naging makasaysayan din ang gabi para sa Paris Olympian na si Lauren Hoffman, na nakumpleto ang dalawang ginto matapos manaig sa women’s 100-meter hurdles sa oras na 13.55 segundo.
Pumangalawa ang reigning 33rd Thailand SEA Games champion na si Dina Aulia (13.63), habang pangatlo si Jelly Diane Paragile ng Army (14.16).
Unang ginto ni Hoffman ang sa 400m hurdles noong Hunyo 10.
Muling nabawi ng dalawang beses na SEA Games men’s 110-meter hurdles gold medalist na si Clinton Kingsley Bautista ang kanyang titulo matapos magtala ng 14.26 segundo.
Nalampasan niya ng bahagya ang batang teammate na si Tochukwu Okolo (14.43), habang pumangatlo si Robert Oa ng Papua New Guinea (14.51).
Isa rin sa sentro ng atensyon ang Filipino-American newcomer na si Gabe Borado, na ginulat ang matinding kompetisyon na kinabibilangan ng national athletes na sina Mico del Prado at Frederick Ramirez matapos magwagi sa men’s 400m hurdles sa oras na 47.05 segundo.
Ang anak ng dating nangungunang 400m runner ng Asya at ngayo’y national coach na si Isidro del Prado ay nagtala ng 47.29 segundo para sa silver medal, habang si Francis Patanpatan ng Pinoy Athletics ang nagkamit ng bronze sa oras na 47.79
Kasama rin sa talaan ng mga bagong kampeon nitong Sabado ng madaling-araw ang isa pang Fil-Am na si Amanda Javellana matapos manaig sa women’s hammer throw sa pamamagitan ng 51.12m na hagis.
Si Javellana, 18, ay mula sa Bacolod, Negros Oriental bago lumipat sa Estados Unidos. Nakapaglaro na rin sya para sa bansa sa nakaraang Thailand SEA Games noong Disyembre 2025 kung saan nagtapos siyang ikalima (51.97).
“Sobrang masaya ako (ma-break ang record) kasi eto po ‘yung standard sa last Asian Jumps,” pahayag ni Grospe, na tinutukoy ang winning jump na 2.23m ni Mutaz Aissa Barsham sa torneo na ginanap noong nakaraang buwan sa Chongqing, China.
“Actually ‘yung target namin this year is 2.25 kasi nakikita namin sa preparation namin during training na capable siya mag-jump ng ganun kataas,” ani Guevarra.
Idinagdag niya na dahil sa mas magandang pangkalahatang pisikal na kondisyon ni Grospe, “we aim to stretch that to as high as 2.30 meters para lumakas pa yung kanyang explosiveness.”
Umaasa ang coach na makakapagsanay sila sa ibang bansa o makapagsagawa ng masinsinang training camp upang higit pang mapahusay ang teknik ng atleta bilang bahagi ng paghahanda para sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan ngayong Setyembre.
Masaya si Hoffman matapos makumpleto ang sweep sa hurdles na huli niyang nagawa noong 2024 edition sa Philsports Complex oval sa Pasig City, kung saan nagtala siya ng bagong pambansang rekord sa 100-meter hurdles na 13.38 segundo.
“I wanted to go faster but I’ll take it because I don’t practice (the 100 hurdles) too much. It was fun, I haven’t done the doubles since 2024 so to be able to do the doubles is great,” ani Hoffman. “I am just thankful for my health to get to this race.”
Mas lalo pa siyang natuwa dahil nalampasan niya si Aulia, na nagtala ng 13.21 segundo sa pagkakapanalo ng ginto sa nasabing event sa Bangkok, Thailand noong Disyembre.


