Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House prosecutor Chua: Senator-judges na sasali sa VP Sara trial lang ang dapat makaboto

Para kay House impeachment prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, dapat ang mga senator-judges lamang na aktwal na lalahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang makaboto sa hatol.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City ngayong Sabado, sinabi ni Chua na nagiging malaking usapin ang vote threshold dahil sa mga tanong sa participation, quorum, at bilang ng senator-judges na dadalo sa trial.

Nilinaw ni Chua na personal niyang pananaw ito at hindi posisyon ng buong prosecution panel.

“Ako po personally naniniwala po ako, dapat po kung sino lamang po yung nagpa-participate sa impeachment trial, dapat yun lamang ang boboto,” ani Chua.

Giit niya, hindi dapat bumoto ang senator-judge na hindi mismo nakinig sa trial.

“Kasi unang-una po, paano ka boboto kung hindi ka naman unang-una nag-participate dito sa impeachment trial,” sabi niya.

Ayon kay Chua, hindi dapat tratuhin ang impeachment na parang ordinaryong gawain sa Senado. Ikinumpara niya ito sa court hearing kung saan personal na pinakikinggan at inoobserbahan ng judge ang testigo.

“Kasi po maliwanag po, dito po sa impeachment, this is akin to a court hearing,” ani Chua.

“Pag sinabi po nating akin, ibig sabihin puwede po natin itong mai-kumpara sa mga court hearing kung saan po ang huwes tinitingnan po yung demeanor ng testigo kung ito po ay nagsasabi ng totoo, kung ito po ay nagsisinungaling,” paliwanag niya.

Dahil dito, sinabi ni Chua na mahalagang makita mismo ng mga senator-judge ang testimony, demeanor, at credibility ng mga witnesses bago sila magpasya sa guilt o innocence.

Ayon kay Chua, posibleng ang Korte Suprema ang magbigay ng pinal na sagot sa usapin.

“Well, at the end of the day sa aking palagay, sa Korte Suprema pa rin ito,” sabi niya.

Dagdag niya, mas mabuting maungkat agad ang isyu dahil papalapit na ang trial.

“Siguro mas maganda, the soonest the better dahil ito po ay ang trial po, less than a month na lang magsisimula na,” ani Chua.

Nang tanungin kung may tiyak nang plano ang prosecution para dalhin ang isyu, sinabi ni Chua na nakatutok muna ang panel sa pre-trial conference.

Ayon sa kanya, layunin ng pre-trial conference na ayusin na ang mga bagay na maaaring mapagkasunduan bago ang trial para hindi masayang ang oras ng impeachment court.

“Yung pre-trial conference po ang purpose po kasi nito para hindi na po masayang yung oras ng korte,” ani Chua.

“Kumbaga, yun pong pwede pagkasunduan, pagkasunduan na dito para hindi na kailangan patunayan pa pagdating po sa trial,” dagdag niya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles