Ibinunton ng Pilipinas ang sama ng loob sa Kyrgyzstan, 25-9, 25-11, 25-17, upang mapanatili ang tsansa na pumasok sa semifinals ng AVC (Asian Volleyball Confederation) Women’s Volleyball Cup 2026 nitong Lunes sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Matapos ang masakit na pagkatalo sa Australia (22-25, 25-23, 25-18, 15-25, 11-15) noong Linggo, dinurog ng Pilipinas ang wala pang panalong Kyrgyzstan sa loob lamang ng 60 minuto upang umangat sa 2-1 sa Pool A.
Bumagsak ang Kyrgyzstan sa 0-3.
Kailangang manalo ng Alas sa kanilang huling dalawang laro – laban sa South Korea sa Martes at Chinese Taipei sa Huwebes – para umabante.
Pinangunahan ang Alas nina Thea Gagate (11 puntos mula sa walong kills, dalawang blocks at isang ace) at Jovelyn Gonzaga (10 puntos).

Nag-ambag naman si Alyssa Valdez ng siyam na puntos, kabilang ang anim sa unang set, habang nagdagdag si Ces Molina ng walong puntos.
Tumagal lamang ng 17 minuto bago masungkit ng Alas ang unang set, kung saan isang attack point lamang ang naitala ng Kyrgyzstan. Ang iba pa nilang puntos ay nagmula sa walong errors ng Alas.
Pinangunahan ni Valdez ang 14-4 na ratsada bago pinalawak nina Kyle Negrito at Gagate ang kalamangan sa 21-8.
Nagkaroon din ng pagkakataon si coach Shaq Delos Santos na ipasok si Cla Loresco, na nagpalobo ng lamang sa 21-7 bago ang set-winning hit.
Nakapaglaro rin sina Ara Galang, Tots Carlos at Tin Ubaldo.
Si Alyssa Solomon, na nagmula sa 23-puntos sa laban kontra Australia, ay sa ikatlong set lamang naglaro.
Nagtala rin sina Loresco at Negrito ng tig-apat na puntos samantalang may tig-tatlong puntos sina Galang at Solomon.
Labindalawang attack points lamang ang naitala ng Kyrgyzstan kumpara sa 48 ng Alas, ngunit mas marami silang nasupalpal, 6-4.


