Napatalsik si Alan Peter Cayetano bilang Senate president nitong Miyerkules, June 3, matapos ideklara ng Senado na bakante ang lahat ng elected positions at italaga si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President.
Matapos ang dalawang araw na hindi natuloy ang session ng Senado dahil sa absence ng majority senators, nabuo ang quorum matapos dumalo si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa plenary session.
In total, 12 ang present na senador ngayong Miyerkules, dahilan para madeklarang may quorum.
Sa simula ng session, inihain ang mosyon na ideklarang bakante ang lahat ng elected positions sa Senado. Walang naitalang pagtutol kaya naaprubahan ang mosyon.
Kasunod nito, inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore. Pinanumpa siya ni Sen. Tito Sotto.
Hindi inihalal si Gatchalian bilang regular Senate President sa session. Sa halip, ipinalagay sa record na ang Senate President Pro Tempore ang magsisilbing acting president o presiding officer ng Senado alinsunod sa Rule 5 ng Senate Rules.
Dahil sa developments, nagmimistulang naputol na ang maikling termino ni Cayetano bilang Senate president, na sinalubong ng gusot at kontrobersiya, mula sa putukan, papuslit nap ag-alis ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada, at nito lang, ang dalawang araw na hindi pagdalo ng kanyang bloc sa session habang papalapit ang adjournment sine die ng Kongreso.
Earlier ngayong Miyerkules, hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Senado na “get back to work” matapos mabalam ang plenary sessions. Ilang araw bago ito, sinabi rin ni Marcos na nababahala siya sa nangyayari sa institusyong dati niyang pinagsilbihan.
Nagsimula ang panibagong sigalot sa Senado matapos mapalitan si Sen. Sotto bilang Senate president noong May 11, parehong araw na inaprubahan ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Isa sa mga botong nagluklok kay Cayetano ay mula kay Sen. Dela Rosa, na bumalik sa Senado matapos ang ilang buwang pagkawala sa publiko.
Sa session ngayong June 3, inihalal din si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang chairman ng Committee on Rules.
Inaprubahan din ang pagkakahalal kay Renato Bantug Jr. bilang Senate Secretary at kay Police Major General Alfredo Corpus bilang Senate Sergeant at Arms.
Inadopt din ng Senado ang PS Resolution No. 430, na nag-aamyenda sa Rule 2 ng Rules of Procedure on Impeachment Trials para magtakda ng halalan ng presiding officer sa impeachment cases na hindi sangkot ang Pangulo ng Pilipinas. Mahalaga ang hakbang dahil nakabinbin sa Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inadopt din ang Proposed Senate Concurrent Resolution No. 10 para sa adjournment sine die ng first regular session ng 20th Congress, hindi lalampas ng 12 midnight ng June 3.
Bumuo rin ang Senado ng committee na magpapaalam sa Pangulo ng Pilipinas na handa nang mag-adjourn sine die ang Senado. Itinalaga rito sina Sen. JV Ejercito, Sen. Francis Pangilinan, at Sen. Raffy Tulfo.
Nagkaroon din ng reshuffle sa Senate committee chairmanships.
Napunta kay Ejercito ang Finance, kay Sotto ang National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, kay Sen. Panfilo Lacson ang Public Order and Dangerous Drugs at Accounts, kay Sen. Erwin Tulfo ang Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon at Social Justice, Welfare and Rural Development, kay Sen. Raffy Tulfo ang Public Services, kay Sen. Bam Aquino ang Basic Education, kay Sen. Francis Pangilinan ang Agriculture, Food and Agrarian Reform, kay Sen. Risa Hontiveros ang Health and Demography, kay Sen. Lito Lapid ang Games and Amusement, kay Escudero ang Urban Planning, Housing and Resettlement, at kay Zubiri ang Foreign Relations at Rules.
Sa dulo ng session, inihain ang mosyon na ipaalam sa Pangulo at sa Kamara ang pagkakahalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President.
Pagkatapos nito, inaprubahan ang adjournment sine die ng first regular session ng 20th Congress sa bahagi ng Senado. /Bistado


