Inilunsad ang isang independent Senate impeachment trial watchdog na Bantay Senado para bantayan ang proceedings, labanan ang disinformation, at tulungan ang publiko na maintindihan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa Saturday News Forum noong May 30, inanunsyo ni TEAM PINAS Executive Director Carlo Flores na itinatag ang Bantay Senado sa tatlong prinsipyo: truth-telling, bridge building, at change-making.
Ayon kay Flores, kailangan ang watchdog dahil ibang information environment na ang haharapin ng bansa kumpara sa mga naunang impeachment trial.
“Ito yung magiging unang impeachment trial na dominant na ang social media at generative artificial intelligence,” ani Flores.
Sinabi niya na nagbago ang “complexion” ng impeachment trial ngayong taon dahil sa sinasadyang disinformation at paggamit ng artificial intelligence tools.
“Ang medyo nag-ibang ng complexion sa panahon ng impeachment trial this year is yun nga yung disinformation na sinasadya,” sabi niya.
Ayon kay Flores, tatlo ang pangunahing gawain ng Bantay Senado: mag-monitor, magpaliwanag, at magpaalala sa public officials ng kanilang tungkulin.
Sa monitoring, tututukan ng volunteers ang impeachment trial at susundan ang developments habang nangyayari ang mga ito. Sinabi ni Flores na nagulat ang grupo sa mabilis na tugon matapos manawagan ng volunteers.
Sa pagpapaliwanag, layunin ng Bantay Senado na ilapit ang usapan sa communities at gawing mas simple ang paliwanag sa proseso.
Target ng grupo na magdala ng discussions sa “mga barangay, sa mga simbahan, sa mga paaralan” at ipaliwanag ang mga development “sa lengguwahe na payak.”
Tutulong ang volunteers, influencers, at volunteer legal team para ipaliwanag ang nangyari sa proceedings at bakit ito mahalaga.
“Ipapaliwanag, ano yun nangyari sa proseso kahapon? Bakit siya mahalaga?” ani Flores.
Sinabi rin niya na tutulungan ng grupo ang publiko na timbangin ang ebidensya at depensa sa trial.
“Bibigyan natin ng unbiased at grounded doon sa batas na analysis,” sabi niya.
Para mas maraming Pilipino ang makaunawa, gagamit din umano ang Bantay Senado ng iba’t ibang wika at paraan ng pagpapaliwanag.
“Ico-communicate ’yan either English or Tagalog, kung gusto nyo Young Stunna o si Gengeng para maitawid natin yung lengguwahe,” ani Flores.
Sa ikatlong gawain, sinabi ni Flores na magpapaalala ang Bantay Senado sa leaders at senator-judges tungkol sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ayon sa kanya, tugon din ang initiative sa pangangailangan ng publiko ng mas maraming impormasyon tungkol sa impeachment.
“May uhaw talaga [ang publiko] sa kaalaman,” ani Flores.
Giit niya, political process ang impeachment, pero sentro pa rin dito ang taumbayan dahil ang elected officials ay nananagot sa publiko.
“Tandaan natin na hindi lang ang nasasakdal si VP Sara, hindi lang ang Senado ang bahagi ng impeachment trial. Pangatlong pinakamalaga ang taumbayan,” diin ni Flores. /Bistado


