Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang humigit-kumulang 7,470 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P50.796 million sa sunod-sunod na anti-illegal drug operations sa iba’t ibang rehiyon mula May 12 hanggang madaling araw ng May 13.
Ayon sa PNP, siyam na high value individuals ang naaresto sa mga operasyon.
Sa Dasmariñas City, Cavite, tatlong indibidwal ang naaresto sa buy-bust operation ng PRO 4A noong May 12. Narekober ang nasa 300 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P2.04 million, kasama ang buy-bust money at iba pang non-drug items.
Sa Zamboanga City, tatlong indibidwal ang naaresto sa operasyon sa basement parking area ng isang commercial establishment sa Barangay Zone IV. Nasamsam doon ang humigit-kumulang 5,000 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P34 million.
Sa Quezon City, dalawang indibidwal ang naaresto sa buy-bust operation malapit sa Sto. Domingo Church sa Barangay Sto. Domingo. Nakumpiska ang nasa 250 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P1.7 million, pati isang 9mm firearm na may ammunition.
Sa Pavia, Iloilo, dalawang legal-age Filipino individuals ang naaresto sa buy-bust operation noong May 12. Nasamsam ang humigit-kumulang 320 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P2.176 million.
Sa Cebu City, isang legal-age Filipino individual ang naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Duljo-Fatima noong May 13. Nakuha ang nasa 1,600 grams ng suspected shabu na may estimated standard drug price na P10.88 million.
Ayon sa PNP, bahagi ang mga operasyon ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, na nakatuon sa intelligence-driven at coordinated field actions laban sa illegal drugs.
Nasa kustodiya na ng kani-kanilang operating units ang mga naaresto at ebidensya para sa proper documentation at filing ng kaukulang kaso. /Bistado


