Sina Agot Isidro, Bela Padilla, Jake Ejercito at direk Erik Matti ay ilan lamang sa mga showbiz personalities na mabilis nagbigay ng kanilang mga reaksyon sa pinag-uusapang “running video” sa Senado ni Sen. Bato dela Rosa noong Lunes, May 11.
Sa kani-kanilang socmed accounts ay agad silang nagpahayag ng kanilang saloobin gaya ng mga lagi nilang pagbibigay ng opinyon sa mga nagaganap sa gobyerno, mga lider at iba pang isyu sa lipunan.
Sa IG thread ni Bela ay ngapost nga ito ng mga questions hinggil sa pagsigaw ni Sen. Bato sa isang babae na nagtatanong lamang kung bakit siya nasa Senado.
Tinanong din ng aktres kung magtatrabaho na daw ba uli at gagampanan na ng Senador ang kanyang tungkulin sa tagal niyang absent dito? Pinayuhan din niya itong kumalma lang lalo’t ang bayan daw ang nagpapasuweldo dito.
Si Agot Isidro naman ay may simpleng patutsada na “you have already been deceived by Nature,” na tila sagot nito sa post ng GMA 7 news socmed sa quote ni Sen Bato na “I was with Nature all these months.”
May dagdag pang hirit si Agot na “just saw the CCTV. We have a runner.”
Ang kilalang direktor na si Erik Matti naman ay may tila panunyang post nang sabihin nitong, “sino ang hayup na nagrelease ng kahiya-hiyang habulan sa sisitibi? Di nyo na ginalang si TOBATS.”
Samantala, si Jake Ejercito naman ay nag-post ng “strava reveal naman diyan, Sen.”
Umani ng papuri mula sa mga sinasabing Pinklawan o mga anti Duterte ang naturang posts ng apat na celebrities sa agaran nilang pagbibigay ng kanilang reaksyon.
Lahat sila ay naniniwala na kaya lang muling sumipot sa Senado si Sen. Bato ay upang bumoto at suportahan ang bagong liderato dito na diumano’y masisiguro na hindi aaprubahan sa Senado ang impeachment proceeding laban kay VP Sara Duterte.
Samantala, kapuna-punang marami naman ang nam-bash kay Jake lalo’t ang dalawa daw niyang kapatid na Senador ay tila nasa salungat na panig hindi gaya ng aktor.
May mga tumawag pa ditong ipokrito lalo’t produkto naman diumano si Jake ng isang “bawal” na relasyon ng nanay niyang si Laarni Enriquez at ama niyang si Erap Estrada.
Mga kapatid ni Jake sa ama sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen JV Ejercito. Pumanig si Estrada sa ngayo’y bagong Mayorya sa Senado sa pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano, habang nag-abstain naman si Sen. JV Ejercito sa naganap na balasahan ng liderato sa Senado.


