Aabot na sa halos P161,000 ang utang ng bawat Pilipino, kung hahatiin ang pinakabagong outstanding debt ng national government sa tinatayang populasyon ng bansa ngayong 2026.
Batay sa pinakabagong datos ng Bureau of Treasury (BTr), umabot sa P18.49 trillion ang outstanding debt ng national government sa pagtatapos ng March 2026. Mas mataas ito ng P328.43 billion, o 1.81 percent, mula sa P18.16 trillion na naitala noong katapusan ng February.
Kung gagamitin ang estimate ng Philippine Statistics Authority na 114.849 million ang kabuuang populasyon ng bansa ngayong 2026, lalabas na P160,994 ang katumbas na utang kada Pilipino. Sa rounded figure, papalo ito sa P161,000 bawat isa.
Hindi ibig sabihin nito na may personal na bayarin na agad sisingilin sa bawat Pilipino. Pero ipinapakita ng debt per capita kung gaano kabigat ang kabuuang utang ng national government kapag inilapat sa bawat mamamayan.
Ayon sa Treasury, pangunahing dahilan ng pagtaas ang revaluation impact ng paghina ng piso laban sa US dollar, kasabay ng net issuance ng domestic securities. Kapag humihina ang piso, tumataas ang halaga sa piso ng mga utang na naka-denominate sa foreign currency.
Umabot sa P12.53 trillion ang domestic debt sa pagtatapos ng March. Mas mataas ito ng 0.44 percent mula noong February, bunsod ng net issuance ng government securities. Nadagdagan din ng P8.68 billion ang peso value ng foreign-currency-denominated domestic securities dahil sa paghina ng piso.
Mas malaki naman ang pagtaas sa external debt. Umabot ito sa P5.95 trillion, mula P5.68 trillion noong katapusan ng February. Katumbas ito ng 4.81 percent na pagtaas.
Ayon sa BTr, lumaki ang peso value ng foreign currency-denominated obligations ng P299.50 billion matapos humina ang piso ng P3.039 kontra US dollar. Ibig sabihin, hindi lang bagong utang ang nagpapalaki sa debt stock. Tumataas din ang halaga nito sa piso kapag gumagalaw ang palitan ng pera.
May nabawas sana sa foreign obligations dahil sa net repayments na P2.55 billion at downward revaluation ng third currencies’ debt na P23.92 billion. Pero hindi nito natapatan ang dagdag na epekto ng mas mahinang piso.
Umakyat din sa P381.41 billion ang guaranteed obligations ng national government. Katumbas ito ng halos 11 percent na pagtaas kumpara sa katapusan ng 2025. /Bistado


