Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

55.5K pamilya apektado ng Mayon unrest, seguridad sa danger zone hinigpitan

Umabot na sa 55,590 pamilya ang apektado ng makapal na ashfall mula sa Mayon Volcano noong May 2, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes, May 5.

Sinabi ni OCD deputy spokesperson Diego Mariano na katumbas ito ng 199,367 katao mula sa 124 barangay sa Bicol Region.

“Of these, 1,444 families or 5,459 persons are currently inside evacuation centers, while 26 families or 85 persons remain being assisted outside evacuation centers,” ani Mariano.

Ayon kay Mariano, magbibigay ang OCD ng karagdagang detalye kung may “significant or additional effects due to the reported activity (of the volcano).”

Nauna nang inanunsyo ng Department of Social Welfare and Developmen (DSWD) na nakapaghatid na ito ng mahigit P117 million na humanitarian assistance sa mga pamilyang apektado ng Mayon unrest.

Noong Linggo, iniulat ng DSWD Disaster Response Operations Information Communication na nakapagbigay na ang ahensya ng 71,153 family food packs, 7,634 non-food items, at 1,402 ready-to-eat food sa mga apektadong pamilya.

Naglabas din ang DSWD ng mahigit P45 million na cash aid para sa 3,487 farmers at internally displaced persons na pansamantalang nahinto ang kabuhayan dahil sa pyroclastic activity ng Mayon.

Noong hapon ng Sabado, May 2, nagbuga ang Mayon ng makapal na ashfall na bumalot sa mga kalapit na komunidad. Kilala ang Mayon bilang isa sa pinakaaktibong bulkan sa bansa, na may kasaysayan ng biglaang eruptions, ashfall, lava flows, at dangerous mudflows.

Kasabay nito, nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang units sa paligid ng Mayon dahil sa indikasyong posibleng palawakin ang kasalukuyang six-kilometer Permanent Danger Zone sa seven-kilometer radius.

Inatasan ang police units sa ground na panatilihin ang round-the-clock checkpoint operations at dagdagan ang visibility sa mga entry point papunta sa slopes ng Mayon.

Pinaigting din ang foot at mobile unit patrols. Pinag-aaralan naman ang aerial monitoring sa remote paths.

“Our ground commanders have been given a clear directive to exercise maximum tolerance but maintain zero compromise on the ‘No Entry’ policy,” ani PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Sinabi ni Nartatez na tutulungan ng pulisya ang mga residenteng mahuhuling pumapasok sa danger zone para magbukid na makabalik sa evacuation centers, habang ipinapaliwanag sa kanila ang agarang peligro ng pyroclastic density currents.

“The PNP is coordinating with our grassroots partners,” ani Nartatez. “We have established a direct communication line between our local police stations and the barangay intelligence networks.”

Nauna nang nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na maaaring lumala ang aktibidad ng Mayon, dahilan para pag-usapan ang pagpapalawak ng six-kilometer PDZ sa seven kilometers.

Saklaw ng posibleng expansion ang mas marami pang barangay na nasa evacuation na. May pangamba rin sa mga residenteng maaaring bumalik para asikasuhin ang sakahan o kunin ang kanilang gamit.

“We rely on the local knowledge of barangay officials to identify residents who might be tempted to slip back into their homes, and we are integrating their real-time reports into our deployment shifts,” ani Nartatez. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles