Tinapos ng Terrafirma ang six-game losing streak at nakasilip ng pag-asa na umabante sa quarterfinals matapos ang 102-84 panalo kontra Macau sa PBA Commissioner’s Cup na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila nitong Sabado.
Si Jerrick Ahanmisi ang nagdala sa Dyip sa panalo nang umiskor ng 29 puntos at magbato ng walong assist.
Ang import na si Mubashar Ali naman ay nagdagdag ng 25 points at kumalawit ng 16 rebounds.
Nakisali rin sa iskoran ang baguhan na si Geoff Chiu na gumawa ng double-double na 12 puntos at 11 rebounds.
Umangat sa 4-6 ang Dyip at lumapit sa kartada 5-5 ng magkapatid na San Miguel Beer at Magnolia Chicken.
Kulelat pa rin ag Macau sa rekord na 2-9.
“Sa practice namin kasi everyday, we keep on pushing the guys. Kasi for how many games, ‘yung straight na talo namin, iba doon nag-relax kami when we were up,” ani Terrafirma coach Ronald Tubid.
“So stay lang kami doon sa concept na gusto ng sistema namin, especially sa offense namin. Kasi ‘yung defense naman namin, I think, okay naman sa defense. ‘Yung opensa namin ang struggling.”
Ngayong Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, patitibayin ng Rain or Shine, Barangay Ginebra at Meralco ang hawak sa top four na may kasamang twice-to-beat advantage.
Haharapin ng Bolts (6-3) ang Blackwater Bossing na sibak na sa 5:15 p.m. laro.
Susundan ito ng paghaharap ng Elasto Painters (8-2) at Gin Kings (7-3), na parehong galing sa talo, simula 7:30 p.m.
“That top four is very really crucial,” ani Bolts guard Chris Newsome. “Whenever you’re trying to win a championship every advantage that you can have you want to try and get that. And the top four is a definite advantage.”
Laglag ang E-Painters sa huling laro nila noong Abril 29 kontra NLEX Road Warriors, 90-92.
Gayundin ang Gin Kings, 91-112, kontra Bolts noong Biyernes lamang upang maputol ang five-win streak.


