Natalo sa first set ngunit hindi nagpatinag ang defending champion National University sa University of Santo Tomas, 20–25, 26–24, 26–24, 25–21, upang masungkit ang second finals slot ng UAAP Season 88 women’s volleyball finals sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Sabado.
Isang block ni Camilla Lamina ang tumapos sa season ng UST Golden
Tigresses sa harap ng 14,334 fans.
Naghihintay na ang De La Salle Lady Spikers sa best-of-three finals na mag-uumpisa sa Mayo 6 sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Ito ang pang-apat na finals sa limang season na maghaharap ang Lady Bulldogs at Lady Spikers para sa titulo ng UAAP.

Nakasingit ang UST noong Season 86 na pinagwagian ng NU.
Sa pangalawang sunod na third place ng UST, nagtapos na rin ang 11 taon na paglalaro ni Detdet Pepito sa unibersidad.
Nakakuha sya ng anim na Best Libero award – apat sa high school at dalawa sa college.
Samantala, maglalaro pa sa pang-lima at huling taon sa Season 89 si UST setter Cassie Carballo.
May mga kulang pa siyang academic units sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Human Resource Management.
“Gustong-gusto ko talaga maglaro muna para sa UST. Sobrang mahal ko ‘yung UST and I am hoping and praying na ‘yong iba, mag-stay din,” ani Carballo.
Mahigit isang dekada na nang huling nagkampeon ang UST women’s volleyball (kontra La Salle), o noong Season 72 (2009-2010), kung kailan kampeon din ang men’s at girls’ team.


