May mga tanong na kailangang sagutin ni Mike Defensor.
Hindi dahil bawal siyang magsalita sa flood control probe. Hindi dahil hindi dapat imbestigahan ang alegasyon ng pera, maleta, politiko, at mga operasyong nasa likod ng umano’y katiwalian. Dapat itong imbestigahan. Dapat malalim. Dapat walang pinoprotektahan.
Pero kapag ang taong nagtutulak ng imbestigasyon ay siya ring umaming tumulong sa paglabas ng 18 personalidad na ipinakilalang dating Marines, hindi na siya simpleng tagamasid. Bahagi na siya ng kuwento.
Inamin ni Defensor na tumulong siya sa 18 personalidad na nagsabing naghatid sila ng suitcases na puno ng cash sa iba’t ibang politiko. Pero itinanggi niyang siya ang nasa likod ng kanilang affidavit, at sinabi niyang si Atty. Levito Baligod ang direktang kausap nila.
“Kahit na ’yung paghanap sa kanila, hindi ko sila nakikita ng mga panahon ’yun. For security reasons. So si Atty. Levi lang talaga ang kausap nila. Hindi ko sila nakakaharap. Wala akong pag-uusap sa kanila. And in fact, nung after na lang [ng presscon] ko na lang sila nakaharap,” sabi ni Defensor sa media.
Pero hindi rin niya itinago ang sariling papel.
“May kinalaman ako. Hindi ko itinatago. In fact, tumutulong ako dito sa mga taong ’to. And ngayon na lumabas sila, marami na rin tumutulong. But prior to that [press conference], talagang wala. Hindi ko sila kausap. Wala akong connection sa kanila, si Atty. Levi Baligod lamang. And ako talaga tumutulong ngayon at sa darating na panahon,” dagdag niya.
Dito nagsisimula ang unang tanong: gaano kalaki ang papel ni Defensor sa paglitaw ng mga witness? Sino ang naghanap sa kanila? Sino ang nag-ayos ng logistics? Sino ang nagdala sa kanila sa abogado? Sino ang nagdesisyon kung kailan sila lalabas? Sino ang gumastos sa kanilang paggalaw, seguridad, at press conference?
Hindi nito awtomatikong pinapasinungalingan ang kanilang claims. Pero kung seryoso ang alegasyon, seryoso rin dapat ang pagsusuri sa pinagmulan, pagbuo, at paglabas nito. Lalo na nang maglabas na rin ang NBI ng subpoenas kay Defensor, Baligod, at 18 alleged former Marines. Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na iniimbestigahan nila ang lahat ng lead at anggulo.
Gusto ni Mike Defensor na pakinggan siya ng publiko sa flood control probe. Gusto niyang paniwalaan ang mga taong tinutulungan niya. Gusto niyang seryosohin ang mga alegasyon tungkol sa pera, maleta, politiko, at operasyon sa likod ng umano’y katiwalian.
Sige. Dapat naman talagang seryosohin ang flood control probe. Dapat ilabas ang ebidensya, affidavit, pangalan, petsa, ruta ng pera, at lahat ng dokumentong magpapatunay kung sino ang tumanggap at sino ang nag-utos.
Pero hindi pwedeng si Defensor lang ang magtatanong. Dapat marunong din siyang sumagot.
Dahil habang nakapuwesto siya bilang kritiko ng katiwalian, may mabigat na usapin na nakapaligid sa kanyang sariling pamilya. Sa mga ulat, nirekober ng NBI ang 54 babae sa Chicago Nightclub sa Pasig City. Ang compound nito ay inuupahan ng kumpanyang pinamumunuan ng asawa at anak ni Defensor. Nasa parehong building ang Chicago Nightclub at Bleu Hotel, na operated ng Zerrin Development Corp., kung saan nakalista si Julie Rose Defensor bilang chairman at president, at si Miguel Gabriel Defensor bilang treasurer.
Hindi simpleng pangalan sa tsismis ang pinag-uusapan dito. May establishment. May raid. May kababaihang narescue. May kasong isinampa laban sa 26 personalities para sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. May corporate records na inuugnay sa asawa at anak ni Defensor. Ito ang kailangang sagutin nang diretso.
Depensa ng kampo Defensor, wala silang koneksyon sa operasyon. Sa statement ni Julie Defensor, sinabi niya: “Let me be absolutely clear regarding the recent NBI operation: we have absolutely no connection to the targeted establishment or its operations. Any attempt to link our family to the abhorrent acts allegedly committed there is a deliberate, dangerous, and desperate lie.”
Karapatan nilang itanggi. Karapatan nilang lumaban sa kaso. Pero hindi sapat ang blanket denial kapag ang usapin ay trafficking, drugs, rescued women, at corporate records.
Kung wala na sila sa operasyon, ipakita ang papel. Sino ang bagong operator? Kailan eksaktong na-turn over? Sino ang tumatanggap ng renta? Sino ang may kontrol sa building? Sino ang pumirma ng lease? Ano ang ginawa nila matapos ang raid?
Kung landlord lang ang pamilya at ginamit ng tenant ang property sa iligal na gawain, bakit hindi tenant ang pangunahing binanatan? Bakit hindi agad inilabas ang kontrata? Bakit hindi agad nagbigay ng buong dokumento sa investigators? Bakit hindi unang mensahe ang full cooperation?
Dito nasusukat ang moral high ground. Sa flood control, gusto ni Defensor na sundan ang affidavit, witness, at kuwento. Sa hotel, may raid, may rescued women, may corporate records, at may kasong isinampa. Dapat pareho ang standard.
Hindi ito automatic conviction. Pero hindi rin ito pwedeng burahin sa statement. Kung accountability ang sigaw ni Defensor, accountability din ang dapat niyang harapin.
Hindi lang dapat siya ang magpaimbestiga. Dapat din siyang imbestigahan. /Bistado


