Umabot sa 31 most wanted persons ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa magkakasunod na operasyon sa buong bansa mula umaga ng May 1 hanggang umaga ng May 2.
Naitala ang mga pag-aresto habang naka-deploy ang police forces para sa Labor Day security operations.
Isinagawa ang mga operasyon sa NCR, Ilocos, Central Luzon, CALABARZON, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at CARAGA.
Kabilang sa mga naaresto ang mga indibidwal na may pending Warrants of Arrest para sa mabibigat na kaso tulad ng rape, statutory rape, qualified rape, murder, qualified statutory rape, sexual assault in relation to RA 7610, trafficking in persons, syndicated estafa, carnapping, robbery with homicide, at violations of RA 9165.
Ilan sa key arrests ang wanted person sa Bulacan na nahaharap sa two counts of rape at lascivious conduct, isang suspect sa Quezon para sa statutory rape, isang top regional wanted person sa Biliran na may kasong frustrated murder at robbery with homicide, at ilang indibidwal sa Leyte, Isabela, at Negros Occidental na nahaharap sa multiple counts of rape at murder-related charges.
Katuwang sa operasyon ang city and municipal police stations, CIDG field units, intelligence units, at regional mobile force battalions.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakita ng resulta na tuloy ang police operations kahit naka-full deployment ang pulisya para sa Labor Day.
“Habang naka-focus tayo sa Labor Day security kahapon, tuloy ang paghahabol natin sa mga wanted persons. Hindi humihinto ang serbisyo ng PNP,” ani Nartatez.
Dagdag niya, patunay ang accomplishment sa koordinasyon ng field units.
“Ang mahalaga dito, sabay ang seguridad ng publiko at ang pagpapatupad ng batas. Ganyan ang trabaho ng pulisya,” sabi pa niya.
Nasa kustodiya na ng kani-kanilang operating units ang lahat ng naaresto para sa proper documentation at legal proceedings. /Bistado


