DAVAO CITY – Mariing kinondena ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao ang demolisyon sa Bankerohan Public Market noong April 29, matapos mauwi sa gulo ang road-clearing operation ng Davao City local government laban sa sidewalk vendors sa Marfori Street, Barangay 5-A.
Tinawag ng grupo ang insidente na bunga ng pamamahalang walang malasakit sa mahihirap. Ayon sa KMU-Southern Mindanao, hindi kriminal ang mga vendor sa Bankerohan kundi mga manggagawang naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya.
“The vendors of Bankerohan are not criminals. They are working men and women — mothers, fathers, and breadwinners — earning an honest living to feed their families,” ayon sa pahayag ng grupo.
Sinabi ng Davao City Police Office na nagsimula ang komosyon nang i-clear ng Ancillary Services Unit (ASU) personnel ang mga vendor na umano’y nasa labas ng designated vending zones. Lumala ang tensyon nang kumpiskahin ang mga panindang naka-display sa hindi itinakdang lugar.
Ayon sa pulisya, may ilang vendor umanong tumangging isuko ang kanilang merchandise. Nauwi ito sa pisikal na komprontasyon sa pagitan ng vendors at city personnel.
Ilang indibidwal mula sa magkabilang panig ang nasugatan at dinala sa police custody para sa documentation at karagdagang imbestigasyon. Ayon kay ASU head Paul Bermejo, isang city personnel ang nagtamo ng six-centimeter head wound at knee injury at dinala sa Southern Philippines Medical Center.
Sinabi ni Bermejo na nangangalap pa ang mga awtoridad ng sworn statements mula sa mga sangkot na personnel, kabilang ang mga miyembro ng Vendor Regulation Unit, bago maglabas ng buong pahayag.
Para sa KMU-Southern Mindanao, hindi dapat mauwi sa demolisyon ang problema sa puwesto ng mga vendor. Giit ng grupo, nagbabayad ang mga vendor ng arkabala, market fees, at stall rent araw-araw, ngunit hindi sila nabigyan ng maayos at permanenteng puwesto.
Ayon sa city officials, matagal nang tutok ng enforcement ang Bankerohan dahil sa paulit-ulit na sidewalk obstruction, traffic congestion, at unauthorized vending sa isa sa pinakaabalang commercial hubs ng Davao City. Bahagi ang operasyon ng anti-criminality at public order campaign ng lungsod sa ilalim ng D.A.V.A.O. o Discipline, Action, Virtue, Accountability, and Order.
Sa ilalim ng Ordinance No. 0334-12, o Davao City’s Comprehensive Transport and Traffic Code, bawal sa vendors ang okupahin ang sidewalks, streets, at iba pang undesignated public spaces o gamitin ang mga ito bilang stall extensions.
Pero nanawagan ang KMU-Southern Mindanao sa Davao City LGU na ihinto ang demolition operations laban sa market vendors kung walang konsultasyon, relocation, at alternatibong livelihood spaces.
Hiniling din ng grupo ang pananagutan sa kilos ng demolition team at just compensation para sa mga nasaktan at nawalan ng kabuhayan noong April 29. /Bistado


