Nanawagan ang isang mambabatas na agad paghandaan ng bansa ang posibleng pagdating ng El Niño, babala na kapag nabigo ang pamahalaan na magpatupad ng sapat na hakbang, lalo itong magpapalalim sa krisis.
Ayon kay Abra Lone District Rep. JB Bernos, malinaw ang magiging epekto nito sa bansa. “El Niño will negatively impact food security and public health, and it is up to us in government to exhaust all efforts to minimize its effects on the people,” aniya sa isang pahayag nitong Martes.
Naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng El Niño Alert noong April 22, na nagsasabing may 79 porsiyentong tsansa na mabuo ang El Niño sa pagitan ng Hunyo at Agosto 2026, at posibleng tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Binigyang-diin ng PAGASA na inaasahang magsisimula ang phenomenon sa mahina, at lalakas sa moderate hanggang strong levels pagsapit ng Setyembre hanggang Nobyembre 2026, na may posibilidad pang umabot sa tinatawag na “Super El Niño” sa huling bahagi ng taon.
Sa gitna ng bantang ito, sinabi ni Bernos na kailangang kumilos ang pamahalaan ngayon pa lang. “The key to surviving El Niño is also the key to improving our nation’s agriculture. Hindi naman sikreto ito — kailangan natin pondohan ang (This is no secret – we need to fund) farm inputs and post-harvest facilities to make agriculture more viable for our producers,” dagdag niya.
Binanggit din ng mambabatas na mahalaga ang sapat na suportang pinansyal para mapalakas ang produksyon at muling buhayin ang sektor ng agrikultura. Ipinunto rin niya ang pangangailangang paigtingin ang crop insurance system sa bansa para matiyak na agad na makukuha ng maliliit na magsasaka ang kanilang benepisyo sa panahon ng climate-related calamities.
Sa harap ng tumitinding epekto ng climate change, isinusulong ni Bernos ang pagpasa ng House Bill No. 6519 o ang Weather Ready Farmers bill, na naglalayong magtatag ng free weather index-based crop insurance na may automatic payout system para tulungan ang mga magsasaka.
Layunin ng panukala na mapabilis ang paglabas ng tulong, lalo na sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot at iba pang matitinding kondisyon ng panahon.
Binigyang-diin ni Bernos na ang maagang paghahanda at sapat na pondo ang susi para maprotektahan ang pagkain, kalusugan, at kabuhayan ng mga Pilipino laban sa paparating na El Niño. /Bistado


