Pumirma ang Department of Agriculture (DA) sa isang kasunduan kasama ang Megawide Construction Corp. para sa integrated agricultural infrastructure projects na target pataasin ang kita ng mga magsasaka, bawasan ang post-harvest losses, at palakasin ang food security.
Ang memorandum of understanding ay nakaangkla sa Republic Act No. 7900 at bahagi ng hakbang para i-modernisa ang high-value crops sector sa pamamagitan ng infrastructure-led at market-driven support, kabilang ang farm-to-wholesale food markets at protected farming sa ilalim ng agro-solar environments.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., malinaw ang layunin ng kasunduan. “Ang MOU na ito ay katuparan ng bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing modernisado at sustenable ang sektor ng agrikultura, para sa seguridad ng pagkain ng bansa at kasaganaan ng ating mga magsasaka,” aniya.
Sa ilalim ng kasunduan, susuportahan ng Megawide ang rollout ng agro-solar farming systems na pinagsasama ang produksyon ng pananim at renewable energy generation. Kasama rin ang pagtatayo ng mga pasilidad sa food processing at mga food terminal para sa logistics, storage, at distribution sa agricultural value chain.
Ayon sa DA, inaasahang makababawas ng 30 porsiyento hanggang 50 porsiyento ang proyekto sa post-harvest losses, isang suliraning matagal nang nagpapababa sa kita ng mga magsasaka.
Kasama rin sa plano ang clustered farming enterprises kung saan pinagsasama ang resources ng maliliit na magsasaka para makagamit ng teknolohiya at makalipat sa komersyal na produksyon.
Hiwalay dito, isinulong ng DA ang isa pang MOU kasama ang National Power Corp. (NAPOCOR) at Asian Pyrochem Technologies Inc. para sa “Project SAFE” o Sustainable Agroforestry Farming Enterprise.
Saklaw ng Project SAFE ang agroforestry production ng cacao, kape, kawayan, at abaca sa mga watershed area, kasama ang carbon financing mechanisms at nature-based solutions.
Ayon sa DA, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na makabuo ng mas matatag, climate-smart, at market-oriented na sektor ng agrikultura.
Dagdag ng ahensya, ang pondo para sa mga proyekto ay manggagaling sa project budgets at umiiral na resources ng DA, alinsunod sa government audit rules, at agad nang epektibo ang implementasyon ng mga kasunduan. /Bistado


