Magpapatuloy ngayong Miyerkules ang House of Representatives Committee on Justice sa inaasahang huling pagdinig para tukuyin kung may probable cause sa dalawang natitirang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakatuon ang huling pagdinig sa 2024 public threat ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Tinuturing na kritikal ang pagdinig dahil nakasentro ito sa isa sa pinakamabigat at personal na alegasyon laban sa isang nakaupong bise presidente, na nakabatay sa kanyang sariling pahayag.
Inimbitahan ang National Bureau of Investigation (NBI), sa pamumuno ni Director Melvin Matibag, para ilahad ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa umano’y assassination threat.
Nag-ugat ang alegasyon sa press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan naglabas siya ng pahayag na may kasamang mura at sinabing nakapag-ayos siya ng papatay sa Pangulo, Unang Ginang, at noo’y Speaker sakaling may mangyari sa kanya.
Binigyang-diin ng mga endorser ng ikaapat na impeachment complaint na ang naturang pahayag ay ginawa on record at may video, kaya’t itinuturing na mahalagang direktang ebidensya sa proseso.
Nauna nang sinabi ni House Committee on Human Rights chair at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na ang naturang banta ay maaaring maituring na “high crime,” at idiniin na ang ganitong pahayag laban sa isang nakaupong Pangulo ay “not a joke and not something that can be taken lightly.”
Ipinunto rin ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V ang bigat ng naturang pahayag, at sinabing lampas na ito sa usaping pulitika at may kinalaman sa kakayahan ng opisyal na gampanan ang kanyang tungkulin.
Paulit-ulit namang tinukoy ng mga miyembro ng komite ang alegasyon bilang may “resibo,” dahil direktang nanggaling sa mismong pampublikong pahayag ni Duterte.
Ayon kay Luistro, ang layunin ng komite ay tukuyin ang probable cause batay sa ebidensya at hindi sa ingay ng pulitika, at inihalintulad ang proseso sa isang preliminary investigation.
“This is not about conclusions. This is about whether there is enough evidence to proceed,” ani Luistro sa mga naunang pagdinig.
Inaasahang magbibigay-linaw ang testimonya ng NBI kung ang mga pahayag ni Duterte ay maituturing na lehitimong banta sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Duterte na ang kanyang mga pahayag ay may kondisyon at may kaugnayan sa kanyang sariling seguridad.
Gayunman, iginiit ng mga mambabatas na dapat suriin ang kabuuan ng kanyang mga sinabi at ang konteksto kung kailan ito binitiwan.
Bukod sa umano’y kill threat, kabilang din sa mga impeachment complaint ang alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds at pagkakaroon ng unexplained wealth.
Ang mga ito ay itinuturing na posibleng bumubuo ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang high crimes.
Sa pagtatapos ng pagdinig, inaasahang titimbangin ng komite ang lahat ng ebidensya at magpapasya kung may sapat na batayan para iakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Kasabay nito, pagdedesisyunan din ng panel kung bubuksan ang sealed box mula sa Bureau of Internal Revenue na naglalaman ng income tax returns ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio. /Bistado


