Binawasan ng International Monetary Fund (IMF) ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2026 kasabay ng patuloy na tensyon sa Middle East na tumatama sa global economy.
Sa inilabas na World Economic Outlook report ngayong linggo, sinabi ng IMF na inaasahan na lamang ang 4.1 percent na paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong taon. Mas mababa ito kumpara sa naunang forecast na 5.6 percent noong Enero.
Ayon sa IMF, ilang salik ang nagtulak sa pagbaba ng projection. Kabilang dito ang mas mahinang economic performance noong huling bahagi ng 2025, epekto ng flood-control corruption scandal sa kumpiyansa ng merkado, at ang patuloy na digmaan sa Middle East.
Paliwanag ng IMF, ang mga risk sa paglago ay nananatiling pababa ang direksyon, habang ang inflation risks ay pataas. Ibig sabihin, mas malaki ang posibilidad na bumagal pa ang ekonomiya habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Inaasahan ng IMF na aabot sa 4.3 percent ang inflation sa Pilipinas ngayong 2026. Posible itong bumaba sa 3.2 percent pagsapit ng 2027.
Para sa susunod na taon, nakikita naman ng IMF na aakyat ang paglago ng ekonomiya sa 5.8 percent. Gayunman, nananatiling nakaangkla ang forecast na ito sa kondisyon na hindi lalala ang geopolitical tensions.
Ang downgrade ng IMF ay naglalagay sa Pilipinas sa mas mababang bahagi ng growth rankings sa emerging Asia, kumpara sa ibang bansa sa rehiyon na inaasahang mas mabilis ang pagbangon.
Hindi lang Pilipinas ang apektado ng downgrade. Sinabi rin ng IMF na babagal ang global economic growth dahil sa krisis sa Midlle East. Sa kanilang forecast, inaasahang lalago ang global economy ng 3.1 percent sa 2026 at 3.2 percent sa 2027. Mas mababa ito kumpara sa tinatayang 3.4 percent growth noong 2025.
Ayon sa IMF, ang pagbagal ng global growth ay dahil sa pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain, lalo na sa mga bansang umaasa sa imported na langis. Dagdag pa rito ang paghina ng kanilang currency at pagtaas ng gastusin sa kalakalan.
Binanggit din ng IMF na kung magtatagal ang gulo sa Middle East o lalala pa ang tensyon, mas mabigat ang epekto nito sa ekonomiya ng maraming bansa, kabilang ang Pilipinas. /Bistado


