Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ridon kay VP Sara: Umattend ka kasi ng hearing

Isang araw bago ang pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, muling nanawagan si Bicol Saro Rep. Terry Ridon kay VP Sara na personal nang humarap sa hearing sa April 14.

Ayon kay Ridon, ang pagdinig ang tamang venue para sagutin ang mga alegasyon at harapin ang testigong si Ramil Madriaga, na tinawag ng kampo ng Bise Presidente bilang “weakest link.”

“Kaya nga ang panawagan natin doon, magpakita na lang ang ating Pangalawang Pangulo. Doon niya ilatag ang kanyang depensa laban kay Mr. Madriaga at hindi sa isang press conference ng kanyang abogado,” ani Ridon.

Dagdag pa niya, kung duda ang kampo ni Duterte sa testigo, mas dapat itong harapin sa pagdinig.

“Kung sinasabi ho nila na weakest link ho si Mr. Madriaga, ang remedyo rito hindi po ‘yung presscon kundi ‘yung April hearings,” giit niya.

Kasabay ng panawagan, naghain ng petisyon si Manases Carpio, asawa ng Bise Presidente, sa Quezon City Regional Trial Court para ipahinto ang subpoena ng House Committee on Justice sa kanilang tax records.

Sa petisyon na inihain noong Abril 8, humiling si Carpio ng 72-hour at 20-day temporary restraining order para pigilan ang pagpapatupad ng subpoena na may petsang Marso 31, 2026. Hiniling din na tuluyang ipawalang-bisa ang subpoena at ang anumang materyal na makukuha mula rito.

Iginiit sa petisyon na ang subpoena ay “issued without any power, authority,” at lumalabag umano sa karapatan laban sa illegal search, privacy, data privacy, at sa National Internal Revenue Code.

Ayon pa kay Carpio, ang tax returns ay “highly confidential in nature” at hindi dapat ilabas nang walang pahintulot ng may-ari. Binalaan din niya na posibleng magdulot ito ng “public ridicule and social humiliation” kung mailalabas sa publiko ang mga dokumento.

Ngunit iginiit ni Ridon na hindi sapat ang ganitong argumento para pigilan ang imbestigasyon ng Kongreso.

“BIR documents are proper subjects of subpoena by the House Committee on Justice in the course of impeachment proceedings,” ani Ridon. Dagdag pa niya, may kapangyarihan ang komite para manghingi ng ebidensya kung may kinalaman ito sa pagtukoy ng probable cause.

“Claims of privacy and confidentiality cannot override the constitutional powers of Congress,” diin niya.

Kabilang sa mga dokumentong hinihingi ng komite ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ni Duterte mula 2007 hanggang 2025, pati na ang income tax returns at tax compliance records nito.

Ayon kay Ridon, mahalaga ang mga dokumentong ito para masuri kung tama ang deklarasyon ng yaman ng Bise Presidente sa mga nakaraang taon.

Sa ngayon, nakatuon ang pansin ng marami sa papalapit na pagdinig sa Abril 14 kung saan inaasahang ihaharap ang mga ebidensya at testigo matapos ang serye ng paglalabas ng subpoena ng komite. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles