Patay ang isang Pilipina matapos tamaan ng missile attack sa Israel noong April 5, ayon sa kumpirmasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, nasawi ang Pinay kasama ang kanyang Israeli husband at mga magulang nito sa loob ng kanilang bahay sa Haifa noong Linggo ng gabi. Hindi muna isinapubliko ng ahensya ang pagkakakilanlan ng biktima.
Sinabi ng DFA na naabisuhan na ang pamilya ng nasawi, at patuloy na nagbibigay ng tulong ang Philippine Embassy sa Tel Aviv.
“The family requests privacy at this difficult time to grieve in peace. We join the Filipino community in praying for her eternal rest and for strength for her family during this time of profound loss,” ayon sa pahayag ng DFA.
Sa kabila ng mahirap na sitwasyon sa rehiyon, inaayos na rin ng embahada ang agarang repatriation ng labi ng biktima.
Ang Pinay na ang ikalawang Pilipino na nasawi sa mga missile attack sa Israel mula nang sumiklab ang mas matinding tensyon sa Middle East. /Bistado


