Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Sana all: Fuel price sa Vietnam, bumagsak matapos tanggalan ng buwis sa gitna ng energy crisis

HANOI — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo, agad kumilos ang pamahalaan ng Vietnam at tinanggal ang ilang buwis sa fuel, dahilan para bumaba ang presyo ng gasolina sa kanilang bansa.

Bumagsak ng abot sa 19 percent ang presyo ng gasolina sa Vietnam matapos alisin ang environmental protection tax, value-added tax, at special consumption tax sa gasolina, diesel, at aviation fuel.

Ayon sa Vietnam Government Portal (VGP), nilagdaan ni Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh ang Decision 482/QD-TTg noong March 26 para ipatupad ang hakbang. Saklaw nito ang pansamantalang pagtanggal ng environmental protection tax sa gasolina, diesel, at aviation fuel, pati ang pagbaba ng excise tax sa zero percent sa lahat ng uri ng gasolina.

Dagdag pa ng Vietnam government, hindi na rin kinakailangang magdeklara o magbayad ng VAT sa mga produktong ito, bagamat nananatiling deductible ang input VAT.

Ipinaliwanag ng Vietnam government na ang desisyon ay tugon sa mabilis na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel dulot ng tensyon sa Middle East. Ayon sa kanilang pahayag, ang krisis sa Strait of Hormuz ay nagtulak sa presyo ng krudo lampas $100 kada bariles at nagdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya sa loob at labas ng kanilang bansa.

Tinukoy ng pamahalaan ang hakbang bilang isang “urgent and effective solution to stabilize the petroleum market and ensure national energy security.”

Simula hatinggabi ng March 26 ipinatupad ang bagong presyo. Ayon sa Ministry of Industry and Trade at Ministry of Finance, bumaba ang presyo ng E5 RON 92 ng VND 4,750 kada litro at naging VND 23,320. Ang RON 95 naman ay bumaba ng VND 5,620 at naging VND 24,330 kada litro.

Ang diesel ay bumaba ng VND 2,450 kada litro at nasa VND 35,440, habang ang kerosene ay bumaba ng VND 970 at naging VND 35,380 kada litro. Tumaas naman ang presyo ng mazut ng VND 1,500 kada kilo at naging VND 21,740.

Aminado ang Finance Ministry ng Vietnam na may epekto ito sa kita ng pamahalaan. Sa pahayag na inilabas ng VGP, sinabi ng gobyerno na tinatayang mawawala sa state budget ang humigit-kumulang VND7,200 billion kada buwan dahil sa pagtanggal ng mga buwis. Pero hindi naman nila ito umano alintana, dahil malaking tulong sa mamamayan ng Vietnam ang agarang kaltas-buwis.

Sa Pilipinas, may bagong-pasa ring batas na nagbibigay ng kapangyarihan para bawasan o suspendihin ang buwis sa petrolyo. Sa ilalim ng kakapirmang Republic Act No. 12316, maaaring ipatupad ng Pangulo ang suspensyon o pagbawas ng excise tax sa fuel kapag ang average Dubai crude oil price ay umabot o lumagpas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at koordinasyon sa Department of Energy.

Gayunman, hindi pa ginagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing batas.

Sa social media, lumalakas tuloy ang aanawagan ng netizens na gamitin na ni Pangulong Marcos ang naturang batas para tugunan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Sa komputasyon ng grupong PARA Commuters Network, kapag tinanggal ang VAT at excise tax sa loob ng isang buwan, may P18,000 na madadagdag sa kita ng mga tsuper. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles