Panibagong flood control scandal ang kinatatakutan ng People’s Budget Coalition (PBC) matapos matukoy ang P190 bilyong halaga ng bagong infrastructure projects sa House-approved 2027 national budget na wala umanong publicly available supporting documents.
Ayon sa paunang pagsusuri ng budget watchdog, sakop ng P190 bilyon ang 7,054 bagong proyektong idinagdag ng Kamara, kabilang ang P42.7 bilyon para sa multipurpose buildings at P29.3 bilyon para sa access roads.
“Sinabi nga po namin, we’re warning the public na puwedeng magkaroon ng Flood Control Scandal Season 2 if we allow the House budget to pass as is,” babala ni PBC convenor Ken Abante.
Bukod sa P190 bilyong bagong proyekto, umabot naman sa P1.06 trilyon ang mas malawak na halaga ng mga budget item na na-flag ng PBC sa kanilang pagsusuri, kabilang ang iba’t ibang pagbabago sa mga alokasyon.
Batay sa pagsusuri sa 18,600 budget line items, natukoy ang pagtanggal sa 1,881 proyekto na nagkakahalaga ng P93 bilyon, pagtaas ng pondo sa 258 proyekto ng P7.5 bilyon, at pagbabawas sa 277 proyekto ng P91 bilyon.
Kabilang umano sa mga naapektuhan ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway at iba pang foreign-assisted projects, gayundin ang ilang alokasyon para sa kalamidad, kalusugan at edukasyon.
Gayunman, hindi nangangahulugang anomalya ang lahat ng pondong na-flag.
Nanawagan ang PBC na alisin ang mga proyektong walang sapat na dokumentasyon, kabilang ang program of works at certification of implementability.
Samantala, hinimok ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang Senado na busisiin ang mga proyekto batay sa aktuwal na pangangailangan ng komunidad.
“Ang very important basic question ay yung po bang inilagay po na mga line items po ron ay may actual na pangangailangan,” sabi ni Ridon sa isang press conference sa Kamara kaninang tanghali.
“Pero kung halimbawa multi-purpose buildings, kailangan hong silipin ng Senado, isa-isa,” dagdag niya.
Sang-ayon dito si Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.
“Kung merong actual need for those projects, there is nothing wrong about that so long as it will serve the interest of the Filipino people,” aniya.
“So, what I take offense is yung talagang mga ghost projects.”
Binanggit naman ni Manila Rep. Joel Chua ang evacuation centers bilang halimbawa ng mga pasilidad na maaaring kailanganin sa mga lugar na madalas bahain.
Nilinaw ni Luistro na hindi pa pinal ang House-approved budget dahil dadaan pa ito sa pagsusuri ng Senado at bicameral deliberations.
Nakatakdang dinggin ng Senado ang mga civil society group sa October 26, habang ilulunsad ng PBC ang People’s Budget Research Alliance sa October 24.
Nanawagan din si Ridon ng mahigpit na monitoring ng Department of Public Works and Highways, Commission on Audit, Ombudsman at Kongreso upang maiwasan ang ghost projects at matiyak na mapupunta ang pondo sa mga proyektong kailangan ng publiko. /Bistado


