Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Super Typhoon Rosal lumakas pa! Signal No. 1 nakataas sa ilang bahagi ng Luzon

Lalo pang lumakas ang Super Typhoon Rosal habang kumikilos pahilagang-kanluran sa Philippine Sea, patungo sa karagatang malapit sa Extreme Northern Luzon, dahilan para panatilihin ang Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands at ilang bahagi ng Luzon.

Ayon sa 5 p.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Martes, October 20, taglay ni Rosal ang maximum sustained winds na 195 kilometers per hour (kph) at bugso na hanggang 240 kph.

Bandang alas-4 ng hapon, namataan ang mata ng bagyo sa layong 1,270 kilometro silangan ng Central Luzon, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.

Umaabot sa 780 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin nito.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands, Pagudpud sa Ilocos Norte, hilaga at silangang bahagi ng Cagayan, hilagang-silangan ng Isabela at Catanduanes.

Kabilang sa mga apektadong bayan ang Santa Ana, Aparri, Gonzaga, Lal-Lo, Baggao at Claveria sa Cagayan; Maconacon, Divilacan at Palanan sa Isabela; at Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga at Gigmoto sa Catanduanes.

Posibleng umabot sa Signal No. 2 o 3 ang pinakamataas na babala habang papalapit ang bagyo.

Inaasahang pinakamalapit si Rosal sa Extreme Northern Luzon mula Huwebes, October 22, hanggang Biyernes, October 23.

Batay sa forecast track, magpapatuloy ang pagkilos nito pahilagang-kanluran hanggang Miyerkules bago tumungo sa mas hilagang direksiyon hanggang Biyernes ng umaga.

Pagsapit ng Biyernes ng hapon, inaasahang liliko ito pahilagang-hilagang-kanluran hanggang pahilaga bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling araw, October 24.

Posible pang lumakas si Rosal habang nasa Philippine Sea bago unti-unting humina bilang typhoon sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng madaling araw.

Nagbabala rin ang Pagasa sa malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa, partikular sa mga baybayin at kabundukan.

Pagsapit ng Huwebes, posibleng maranasan ang malalakas na bugso sa halos buong Pilipinas dahil sa northeasterly windflow at epekto ng bagyo.

Sa karagatan, maaaring umabot sa 4.5 metro ang alon sa ilang baybayin ng Catanduanes, Isabela, Cagayan, Batanes at Babuyan Islands.

Nakataas na rin ang gale warning sa karagatan ng Extreme Northern Luzon at silangang baybayin ng Northern at Southern Luzon.

Pinayuhan ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat na manatili sa pantalan sa mga lugar na may very rough seas, habang pinag-iingat ang maliliit na bangka sa iba pang baybaying may malalakas na alon.

Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na bulnerable sa pagbaha, pagguho ng lupa at malalakas na hangin na maghanda at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles