P14.55 MILYON lamang ang aktuwal na nagastos ng Senado sa 44 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, malayong-malayo sa P500 milyong sinasabing nasayang sa paglilitis.
Nilinaw ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na umabot sa P14,553,561.70 ang kabuuang trial expenses, katumbas ng average na P330,763 kada araw.
Pinabulaanan nito ang pahayag ni Duterte spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na P25 milyon kada araw ang gastos sa impeachment proceedings.
Ayon kay Gatchalian, ang P25 milyon ay tumutukoy sa regular na operating expenses ng Senado, may impeachment trial man o wala.
Kabilang sa aktuwal na gastos sa paglilitis ang pagkain ng mga tauhang nagtatrabaho nang lampas sa regular na oras, supplies, overtime pay at venue rentals para sa budget deliberations.
“The Constitution gives the Senate the sole power to try and decide all cases of impeachment. The Senate is fulfilling this duty as required by law,” sabi ni Gatchalian.
“We extended our hours and devoted full days to the trial so it could proceed at an acceptable pace, without unduly disrupting the Senate’s legislative work and daily operations,” dagdag niya.
Nauna nang iginiit ni Panelo na P500 milyon ang nasayang sa 20 araw na pagtalakay sa impeachment charges na kalauna’y binawi ng House prosecution.
Pero ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, mali ang paggamit sa P25 milyong daily operating cost bilang sukatan ng gastos sa impeachment trial.
Sinabi ni Lacson na mula sa P25.7 milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, humigit-kumulang P11 milyon pa ang natitira.
“Kakasya na ’yan kasi isang article na lang ang naiwan at presentation na lang ng defense, so hindi na magtatagal ’yan. Sosobra ’yan — actually, may masa-save pa doon,” sabi ni Lacson sa isang panayam.
Article II na lamang tungkol sa unexplained wealth ang natitira matapos bawiin ng prosecution ang tatlo pang impeachment charges.
Samantala, nilinaw ni Lacson na hindi na maaaring isama sa ebidensiyang isasaalang-alang ng impeachment court ang mga bagong natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa mga ari-ariang iniuugnay kay Duterte.
“Itong mga bagong pinakita ng NBI, hindi naman ito nasaklaw eh. So hindi kasama sa consideration namin ’yan,” ani Lacson.
Nauna nang naisangguni ng NBI sa Office of the Ombudsman at Department of Justice ang mga natuklasan nito para sa posibleng hiwalay na legal na aksiyon.
Itinanggi naman ni Duterte na pag-aari niya ang isang lupang iniugnay ng NBI sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at kinuwestiyon ang paggamit ng pondo ng bayan sa imbestigasyon.
Ayon kay Lacson, maaaring suriin ng Ombudsman ang mga bagong ebidensiya para sa posibleng kasong kriminal, ngunit hiwalay ito sa kasalukuyang impeachment trial. /Bistado


