Pinaigting ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang kampanya laban sa mga pekeng PWD IDs sa pamamagitan ng Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS), na layuning pigilan ang pandaraya at protektahan ang benepisyo ng mga lehitimong PWD.
Sa ilalim ng NCDA Administrative Order No. 001, series of 2026, magsisilbing centralized national portal ang UPWDIS para sa mas mahigpit na verification at mas maayos na database ng PWD cardholders.
Ayon sa NCDA, malaking agwat ang nakita sa tinatayang 8.5 milyong PWD IDs na nabanggit sa Senate hearing noong 2024 at sa opisyal na bilang ng Department of Health (DOH).
Batay sa Philippine Registry of Persons with Disabilities, nasa 2,920,054 lamang ang rehistradong PWDs hanggang October 12, 2026.
Gayunman, hindi nangangahulugang peke ang lahat ng IDs na sakop ng diperensya sa dalawang bilang.
Umabot na sa 80 porsiyento ang rollout ng bagong sistema, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 1,100 local government units hanggang September 2026.
Target ng NCDA na makumpleto ang nationwide implementation bago matapos ang taon.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi lamang karapatan ng mga tunay na PWD ang naaapektuhan ng pekeng IDs kundi pati ang tax collection at tiwala ng publiko sa sistema.
Nagbabala rin ang NCDA na maaaring maharap sa kasong estafa at falsification of public documents sa ilalim ng Revised Penal Code ang mga gumagamit, gumagawa at nagpapakalat ng pekeng PWD IDs.
Posible ring managot ang mga establisimyento, opisyal ng gobyerno at doktor na sangkot sa paggawa o pamamahagi ng fraudulent IDs, kabilang ang administrative sanctions at pagkansela ng business permits o professional licenses.
Nakikipagtulungan ang NCDA sa Department of Justice, local governments at law enforcement agencies para matukoy ang mga sindikatong nasa likod ng pekeng IDs at maprotektahan ang mga benepisyo ng lehitimong PWDs. /Bistado


