Gagawin umano ng gobyerno ang lahat para matugunan ang karahasan sa mga paaralan, partikular ang mga pamamaril na kinasasangkutan ng mga menor de edad, tiniyak ni President Ferdinand Marcos Jr.
“And so it’s a terrible thing. It’s a terrible thing. And we’re doing everything that we can,” sabi ni Marcos sa isang panayam nitong Linggo.
Ayon sa Pangulo, kailangang suriin ang mga sanhi ng campus violence, na inilarawan niyang psychological problem na hindi kayang resolbahin ng iisang hakbang.
Kabilang sa pinag-aaralan ang paglalagay ng metal detectors sa mga paaralan at mas mahigpit na paggabay ng mga guro at magulang.
“So, all of these things. There’s no silver bullet to this. You have to bring many, many things together,” ani Marcos.
Nauna nang naitala ang mga pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong September 18, Ateneo de Zamboanga University noong August 18, at San Jose National High School sa Tacloban, Leyte noong June 22.
Tatlo ang nasawi sa insidente sa Zamboanga, kabilang ang namaril na estudyante, habang tatlo rin ang namatay sa Tacloban.
Patuloy pang binubuo ng pamahalaan ang mga hakbang para maiwasan ang karahasan sa mga paaralan. /Bistado


