Sinibak sa serbisyo ang 13 pulis habang 57 iba pa ang sinuspinde sa Metro Manila bilang bahagi ng pinaigting na internal cleansing campaign ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga tiwali at pasaway na tauhan.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Biyernes, October 9, umabot sa 70 pulis ang napatawan ng administrative penalties mula nang maupo siya bilang Metro Manila police chief noong August 23.
Kabilang sa mga dahilan ng pagkakasibak ng 13 pulis ang Absence Without Official Leave (AWOL), paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Anti-Trafficking in Persons Act, estafa at iba pang mabibigat na paglabag.
Samantala, kabilang sa mga kasong nagresulta sa suspensyon ng 57 pulis ang unlawful arrest, ilegal na pagpapaputok ng baril, dishonesty, negligence at iba pang paglabag sa police regulations.
“Internal cleansing is a continuing responsibility. We cannot demand discipline from the public if we cannot enforce discipline within our own ranks. Every complaint must be acted upon, every case must be resolved based on evidence and due process, and every erring personnel must be held accountable,” giit ni Abrahano.
Sakop ng kampanya ang limang police districts sa Metro Manila: Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District, Southern Police District at Eastern Police District.
Kasabay nito, binalaan ni Abrahano ang mga pulis laban sa paggamit ng government fuel at police vehicles para sa personal na lakad.
Inatasan niya ang lahat ng police districts at units na mahigpit na bantayan ang paggamit ng mga sasakyan at gasolina ng gobyerno.
Dapat aniyang awtorisado, dokumentado at direktang may kaugnayan sa opisyal na police operations ang bawat biyahe. /Bistado


