Idaraos ng Philippine Sports Commission at National Golf Association of the Philippines (NGAP) ang PSC Chairman’s Cup ngayong Biyernes sa Luisita Golf and Country Club sa Tarlac.
Layon ng ispesyal na torneo na makalikom ng suporta para sa “Fairway to the Future” grassroots golf program.
Mahigit 100 manlalaro mula sa mga ahensya ng gobyerno, pribadong sektor at media ang kalahok.
Ang golf program ay sinumulan ni PSC Chair Patrick Gregorio bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang suporta ng pamahalaan para sa grassroots sports.
Nais ng programa na magbigay ng libreng golf lessons at access sa mga training facility para sa mga kwalipikadong batang kapos sa buhay.
Target ng Fairway to the Future ang mga golfer na edad 18 pababa, kabilang ang mga anak ng caddie, greenskeeper at club employee, mga estudyante sa pampublikong paaralan, out-of-school youth at mga batang manlalaro mula sa mga komunidad sa mga lalawigan.
Maaaring bigyan ng prayoridad ang mga anak at dependent ng mga caddie at empleyado ng mga golf club.
“We believe golf talents can be found all over the country and through this program, we might discover a diamond in the rough who can become a champion,” ani Gregorio.
Gagamit ang Chairman’s Cup ng four-person scramble format, kung saan pipili ang bawat koponan ng kanilang preferred shot at lahat ng apat na miyembro ay maglalaro mula sa posisyong iyon hanggang maipasok ang bola sa butas.
Iko-convert ang mga score sa Molave points: anim para sa albatross, lima para sa eagle, apat para sa birdie, tatlo para sa par, dalawa para sa bogey at isa para sa double bogey.
Walang puntos para sa triple bogey o mas mataas pa rito. Ang may pinakamataas na kabuuang puntos matapos ang 18 holes ang mananalo.
Sa juniors division, kikilalanin ang champion, first runner-up at second runner-up teams.
Sa Government Partners, Private Partners, Media at PSC–POC (Philippine Olympic Committee) divisions, bawat isa ay maggagawad ng parangal sa kanilang champion at first runner-up teams.
Magkakaroon din ng special hole awards para sa most accurate drive at longest drive sa Hole 1, gayundin sa nearest the pin at hole-in-one sa Hole 13.
Kabilang sa ambisyon ng Fairway to the Future program ang pagkakaroon ng community- at school-based instruction, standardized coaching, regional training centers at isang organisadong kumpetisyon.
Sa ilalim ng iminungkahing framework, maglalaan ang mga kalahok na pasilidad ng mga itinalagang practice area nang libre at hindi sisingilin ng green fees ang mga rehistradong junior sa itinakdang oras.
“We intend to expand our partnerships as we continue the program. Hopefully, more stakeholders will join us in providing opportunities for our children,” ani Gregorio.
Pangungunahan ng PSC at NGAP ang nationwide development program katuwang ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Bases Conversion and Development Authority, Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense.


