Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

370 NCAP violations naitala sa Maynila

Umabot sa 370 traffic violations ang naitala ng Manila city government sa testing phase ng enhanced No Contact Apprehension Policy (NCAP 2.0).

Nakapagtala ang Manila Traffic and Parking Bureau ng 190 violations noong Lunes at 180 pa noong Martes.

“Yung mga abusado sa kalsada, wala nang excuse because today ay inuumpisahan na pong i-implement ang non-contact apprehension,” ani Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Giit niya, layunin ng NCAP na palakasin ang disiplina sa lansangan at bawasan ang pakikipagtalo o pakikipag-areglo sa traffic enforcers.

“You cannot argue with technology. We may argue with our enforcer, but with technology, huli is huli. Walang gusot,” aniya.

Binalaan din ni Domagoso ang mga motorista na huwag balewalain ang notices dahil maaari itong magresulta sa dagdag na multa.

Bukas din siya sa universal NCAP system para sa ticketing, contesting at implementation kung ipatutupad ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Tiniyak naman ng MMDA at Quezon City government na hindi magkakaroon ng duplicate violations. Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, may itinakdang boundaries para sa cameras ng MMDA at mga local government unit.

“Definitely there would be no duplicate violations captured both by the LGU and MMDA,” ani Artes.

Nasa testing phase pa ang Quezon City, habang naibalik na rin ang NCAP sa Muntinlupa at San Juan. Ipinagpaliban naman ng Parañaque at Valenzuela ang reimplementation.

Kasabay nito, nagbabala ang Philippine National Police at National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa scammers na gumagamit ng pekeng NCAP alerts, websites, emails at social media accounts.

“Scammers may use the reimplementation of NCAP to deceive motorists into clicking fraudulent links, making unauthorized payments, or surrendering personal and financial information,” ani NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano.

Pinaalalahanan ang publiko na bayaran lamang ang NCAP fines sa lehitimong government channels.

Tutol naman ang transport group na Piston sa NCAP dahil maaari umano itong humantong sa “excessive” na fines.

Nanawagan ang grupo na ibasura ang polisiya at iginiit na ang traffic management ay dapat public service, hindi negosyo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles