Kanta ata ni Sarah G. ang theme song ng nabuking na modus ng mga Duterte: pagdating sa pera, para hindi mareport at makita, ikot-ikot lang.
Ayon sa mga rekord na inilatag sa Senado, mahigit ₱96 milyon ang umano’y pinaikot mula sa time deposits nina Sara at dating Pangulong Rodrigo Duterte patungo sa manager’s checks.
Bibili ng manager’s check. Hindi gagamitin. Isasauli sa bangko. Ibabalik ang pera sa account. Pagkatapos, bibili ulit ng bagong manager’s check.
Ikot palabas. Ikot pabalik. Ikot ulit.
Hindi na manager’s check. Merry-go-round check na.
Nagsimula ang isang trail sa ₱40.65-milyong time deposit noong 2010. Matapos ang 12 rollover, naging ₱41.72 milyon ito. Nang mag-mature, pumasok ang pera sa joint account ng mag-ama at ipinambili ng manager’s check.
Hindi ginamit ang tseke. Ibinalik. Bumalik ang pera. Ipinambili ulit ng panibagong manager’s check. Lumitaw umano ang parehong sayaw noong 2011, 2012 at 2013. May isa pang money stream na humigit-kumulang ₱55 milyon.
Tama nga si Sen. Tito Sotto: “tinikling” ang dating ng pagpapaikot ng pera – ulit-ulit na steps para makaiwas makita sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Paliwanag ng testigo mula sa BPI, kapag bumili ng manager’s check, nababawas ang halaga sa account ng kliyente at napupunta sa settlement account ng bangko. Habang outstanding ang tseke, hindi makikita ang pera sa ending balance ng depositor.
Hindi nawawala ang pera. Lumilipat lamang ng tambayan.
Linawin natin: hindi iligal ang manager’s check. Hindi rin kakaiba ang pagsasauli ng tsekeng hindi nagamit. Sinabi mismo ng bank witness na hindi niya masasabing sinadya ang mga transaksyon upang magtago ng pera.
Pero hindi isang tseke ang pinag-uusapan. Ang sinusuri ay ang paulit-ulit na pattern, at kung bakit kasabay ng pag-ikot ng pera ang pagkawala nito sa larawang ipinakikita ng SALN.
Dito lalong umiikot ang ulo ng madla.
Ayon sa initial computation ng prosecution, may mahigit ₱80 milyong umano’y undeclared asset gap noong 2022; mahigit ₱98 milyon noong 2023; mahigit ₱66 milyon noong 2024; at mahigit ₱70 milyon noong 2025.
Hindi dapat pagsama-samahin ang apat na halaga dahil maaaring maulit ang parehong asset sa magkakasunod na taon. Pero kahit paisa-isahin, hindi ito barya sa ilalim ng sofa.
Sa 2023 lamang, tinukoy ang mahigit ₱71 milyon sa bank balances, ₱35.9 milyon sa insurance at investments, at mahigit ₱7 milyon sa firearms. Wala pang ₱15 milyon ang nakalagay sa pinagsamang “Others” nina Duterte at asawang si Manases Carpio.
May 29 account sa walong bangko. Parang bank tour.
Gayunman, batay sa mga dokumento, walang hiwalay na idineklarang cash on hand o cash in bank sa apat na SALN na sinuri. Kahit ipagpalagay pang cash ang lahat ng nakasulat sa “Others,” may umano’y kulang pa ring mahigit ₱45 milyon noong 2022, ₱56 milyon noong 2023, ₱1 milyon noong 2024 at ₱9 milyon noong 2025—bank balances pa lamang iyan.
Hindi puwedeng gawing mahiwagang aparador ang “Others” sa SALN. Hindi puwedeng ihagis doon ang deposits, investments, insurance policies at iba pang ari-arian, saka isara ang pinto at sabihing, “Nandiyan lang iyan.”
Hindi pa hatol ang mga numero. Kailangan pa itong patunayan at sagutin. May karapatan ang depensa na ituro kung saan nagkamali ang prosecution.
Pero dapat diretso ang sagot.
Kung lehitimo ang pera, ipakita ang pinagmulan. Kung declared, ituro ang eksaktong entry. Kung may matinong dahilan ang paulit-ulit na manager’s checks, ipaliwanag kung bakit ilang ulit itong binili, isinauli at pinalitan.
Dahil kahit anong paikot, hindi dapat mahilo ang hustisya. /Bistado


