Nagpasalamat ang Commission on Human Rights (CHR) kay Sen. Loren Legarda sa paghahain ng Senate Bill No. 2497 o proposed CHR Charter na target palakasin ang kapangyarihan, proteksyon sa mga biktima at fiscal independence ng komisyon.
Layunin ng panukala na palawakin ang kakayahan ng CHR na mag-imbestiga ng human rights violations, protektahan ang victims at witnesses, at tumulong sa pagkuha ng angkop na remedyo.
“Ang kasiguraduhan na pangalagaan ang ating mga karapatan ay kung may institusyong may kapangyarihan at kakayahang protektahan ito. Para sa isang biktima, mahalaga ang may malalapitan, may makikinig, at may malinaw na paraan para makakuha ng proteksiyon at katarungan. Iyan ang layunin ng panukalang ito,” ani Legarda.
Sa ilalim ng bill, bibigyan ang CHR ng quasi-judicial authority para magpasya sa mga paglabag sa civil, political, economic, social at cultural rights at maggawad ng monetary compensation, subject sa due process at judicial review.
Pwede rin itong magsimula ng imbestigasyon, mag-utos ng pagsusumite ng ebidensya at pagharap ng witnesses, at magsagawa ng unannounced inspections sa detention facilities.
Kasama rin sa panukala ang legal, psychosocial at health support, livelihood assistance at endorsement sa Witness Protection Program para sa qualified victims at witnesses.
Pormal ding itatalaga ang CHR bilang Gender and Child Ombud at palalawakin ang mandato nito para protektahan ang karapatan ng overseas Filipinos.
Malaking bahagi rin ng panukala ang fiscal autonomy para hindi magamit ang budget bilang paraan ng panggigipit sa komisyon.
“Ang pondo ay hindi kailanman dapat maging instrumento upang ipitin at patahimikin ang isang malayang ahensya. Ang mga nagtatanggol sa ating mga karapatan ay dapat pinopondohan, hindi ginigipit. Makalipas ang apat na dekada, napapanahon nang palayain ang CHR mula sa pangamba ng budgetary harassment,” ani Legarda.
Ayon sa CHR, mahalagang magkaroon ito ng sapat na kakayahan at pondo para makatugon sa mga taong nalabag ang karapatan.
Para sa komisyon, ang suporta sa CHR Charter ay hakbang para sa mas matibay na human rights protection at mas madaling paglapit sa hustisya. /Bistado


