Ilulunsad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang bagong aklat na Ig-Ampo Niño Cami: An Art History of Iloilo Spanish Colonial Cemeteries sa Martes, October 6, sa MACH Performance Hall ng University of the Philippines Visayas sa Iloilo City.
Akda ni Marie Joy Buendia Rosal, tinatalakay ng libro ang kasaysayan, arkitektura, artistic details at symbolism ng walong natitirang Spanish-period cemeteries sa Iloilo.
Kabilang dito ang mga sementeryo sa Oton, Dingle, Janiuay, Santa Barbara, Pototan, Cabatuan, San Joaquin at Miag-ao.
Ayon sa NHCP, inilalarawan ng aklat ang religious at funerary culture ng Iloilo noong Spanish colonial period at inilalapit sa publiko ang bahagi ng heritage na hindi kasingdalas napag-aaralan kumpara sa mga simbahan, ancestral houses, plazas at monuments.
Hindi lamang bilang libingan tinitingnan sa publikasyon ang mga lumang sementeryo. Inilalahad din ang mga ito bilang espasyo ng pananampalataya, alaala, sining at komunidad na may architectural at artistic features na karapat-dapat pag-aralan at pangalagaan.
Batay ang Ig-Ampo Niño Cami sa 1995 Master’s thesis ni Rosal sa University of the Philippines at muling inilalathala bilang isang pioneering scholarly work sa colonial cemetery architecture.
Bahagi ang publication ng mandato ng NHCP na magsaliksik, maglathala at pangalagaan ang kasaysayan at heritage ng bansa, kabilang ang historic sites, structures, shrines at museums. /Bistado


