Hinihikayat ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro na subukan ang bago nitong SSS LoanLite, isang digital microloan facility na nagpapautang mula P1,000 hanggang P20,000 para sa agarang pangangailangang pinansyal.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro, pwede nang maging eligible ang employed, self-employed, voluntary at overseas Filipino worker members na may hindi bababa sa 12 posted monthly contributions.
Nakadepende ang loanable amount sa average ng huling 12 Monthly Salary Credits (MSCs).
“Available repayment periods are 15, 30, 60, or 90 days, with an interest rate of 8% per annum, equivalent to approximately 0.67% per month,” ani De Claro.
Para sa miyembrong may 12 contributions lamang, katumbas ng 11 porsiyento ng average MSC sa huling 12 buwan ang maaaring mahiram.
“For example, if a member’s average MSC over the last 12 months is ₱20,000 but the member has only 12 total contributions, the loanable amount is ₱2,200 (11% of ₱20,000),” paliwanag niya.
Mas mataas ang loanable amount para sa may hindi bababa sa 36 total contributions, kabilang ang anim na posted contributions sa loob ng 12 buwan bago mag-apply. Pwede silang umabot sa P20,000, depende sa average MSC.
Kailangan ding edad 18 pataas ang borrower at wala pang 65 sa pagtatapos ng loan term.
Hindi dapat past due ang Salary, Calamity o Emergency Loan. Pwede pa ring mag-apply ang may existing short-term loan basta updated ito at walang active SSS Micro Loan.
Automatic debit ang default repayment mode gamit ang account kung saan pumasok ang loan proceeds.
Sa ngayon, available ang SSS LoanLite sa UnionDigital Bank mobile app. Nakikipagtrabaho rin ang SSS sa RCBC, LandBank at UnionBank para mailabas ang LoanLite sa kani-kanilang digital platforms. /Bistado


