Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P3-B fuel ayuda aarangkada ngayong October; 300K magsasaka, mangingisda at agri truckers target

Ginhawa sa krudo ang nakatakdang matanggap ng humigit-kumulang 300,000 magsasaka, mangingisda at driver na naghahatid ng produktong agrikultural sa ilalim ng P3-bilyong fuel subsidy ng pamahalaan.

Sisimulan ngayong October ng Department of Agriculture (DA) ang pamamahagi ng tulong upang maibsan ang epekto ng El Niño at nananatiling mataas na presyo ng langis sa sektor ng agrikultura.

Bahagi ito ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT), na inilunsad ng administrasyon noong March matapos sumipa ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa digmaan sa Middle East.

Makakatanggap ang mga kuwalipikadong magsasaka at mangingisda ng isang beses na P5,000 fuel subsidy para sa paggamit ng mga kagamitang nangangailangan ng krudo, kabilang ang mga tractor at motorized banca.

Ang mga driver naman na naghahatid ng produktong agrikultural ay tatanggap ng P2,000 kada linggo upang masuportahan ang madalas na biyahe mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Nakikipag-ugnayan ang DA sa Land Bank of the Philippines upang mapabilis ang release at distribusyon ng ayuda sa pamamagitan ng mga sangay at automated teller machine network nito.

Bukod sa fuel subsidy, pinag-aaralan din ang posibleng toll holiday o discount para sa mga agricultural delivery truck.

“Dagdag sa fuel subsidy, mayroon po kaming inaayos na toll holiday or discount para rin sa agri truckers,” ani Agriculture Undersecretary Arrey Perez.

Humingi na ng komento ang Toll Regulatory Board sa mga tollway operator. Nais ng DA na maipatupad ang panukala ngayong October at manatili ito hanggang December 31, ngunit wala pang pinal na kasunduan.

“Mayroon na pong sulat ang Toll Regulatory Board para sa ating mga tollway operator. Hiningan na sila ng komento. Kasi ang hinihingi po natin ay ituloy na iyan hanggang katapusan ng taong ito. Hanggang Dec. 31. Ito po iyong pinag-uusapan ngayon. Sana mapagbigyan tayo,” sabi ni Perez.

Unang tinututukan sa bagong UPLIFT assistance ang mga magsasaka at mangingisda dahil malaking bahagi ng kanilang gastusin ang napupunta sa fuel para sa palay harvester at motorized banca. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles