Nasa labas ng bansa si former House Speaker Lord Allan Velasco at wala pang naitalang pagbabalik sa Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Lumabas ang impormasyon habang sinusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga alegasyon ng dismissed police officer na si Rodulfo Gracioso Jr. tungkol sa umano’y cash deliveries kina Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad. Hindi pa napapatunayan ang mga alegasyon at isinasailalim pa sa beripikasyon ng NBI.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumabas sa initial immigration information na umalis ng Pilipinas si Velasco noong August 30 at inaasahang babalik noong September 14, pero wala pang naitalang return.
“May initial information kahapon na noong August 30 umalis ata si dating speaker at nagsabing babalik dapat ng September 14 pero wala pa pong return,” sabi ni Matibag.
Nasa labas din ng bansa ang asawa niyang si Rowena Velasco. Ayon kay Matibag, umalis ito noong September 24 patungong Hong Kong at inaasahang babalik noong September 27.
Nagpa-verify ang NBI sa BI matapos sabihin ni Gracioso na nakalabas na ng bansa ang mag-asawa.
Plano ng NBI na imbitahan sina Velasco at kanyang asawa para makuha ang kanilang panig. Iimbitahan din sina Vice President Duterte at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay ng mga alegasyon ni Gracioso.
“It is their choice kung gusto nila pumunta o hindi. Sana po pumunta para magbigay linaw po,” ani Matibag.
Kinumpirma naman ng Philippine National Police na na-detail noon si Gracioso bilang security officer o staff ni Velasco, pero hindi nito pinagtibay ang mga alegasyon tungkol sa cash deliveries.
Itinanggi ng kampo ni Velasco ang mga paratang at sinabing walang basehan ang mga alegasyon laban sa dating House Speaker.
Patuloy na bineberipika ng NBI ang affidavit, mga larawan at iba pang materyales na isinumite ni Gracioso bago gumawa ng konklusyon sa kanyang mga alegasyon. /Bistado


