Pinaiimbestigahan ng Malacañang ang reklamo sa financial support para sa mga atletang Pinoy na lumaban sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, matapos mabunyag na may mga manlalarong nangutang pa para makadalo sa training.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, rerepasuhin ng gobyerno ang suportang pinansiyal sa national athletes at aalamin kung may sports official na nagpabaya o nagkamali sa paghawak ng pondong nakalaan para sa kanila.
“Unang-una, papa-imbestigahan po ito para malaman natin kung ano ba iyong naranasan ng ating mga athlete, mga ating manlalaro,” sabi ni Castro sa Palace briefing nitong Lunes.
“Hindi po kasi gusto ng ating Pangulo na iyong mga nagre-represent sa ating bansa ay sila pa ang nahihirapan. Dahil parang hindi tumutugon ang gobyerno sa pangangailangan nila. Ayaw-na-ayaw po iyan ng Pangulo,” dagdag niya.
Sumiklab ang usapin matapos ihayag ni Alas Pilipinas Men captain Bryan Bagunas ang financial difficulties na pinagdaanan ng national volleyball team bago at habang lumalaban sa Asian Games.
Ayon kay Bagunas, hindi natanggap ng team members ang kanilang regular allowances mula pa noong July. Dahil dito, may ilang players umanong nangutang sa teammates at ibang tao para may pamasahe papunta sa training.
Humingi na ng paumanhin ang Philippine National Volleyball Federation sa national athletes. Kinilala nitong may mga manlalarong napilitang gumastos at mangutang at inaming hindi sapat ang kanilang naging tugon sa pangangailangan ng players.
Sinabi ni Castro na aalamin muna ng Malacañang ang buong pangyayari at kung saan nagkaroon ng pagkukulang bago tukuyin ang pananagutan.
“Alam na naman din natin kung gaano pinahahalagahan ng ating Pangulo ang ating mga manlalaro. So ganito pong pagkakataon kinakailangan itong pagtuunan ng pansin, kung saan may kulang, sino may pagkukulang at kung ang mga ibinibigay na mga ganitong pamamahayag ay tama at may basehan,” aniya.
Kapag napatunayang may umabuso, sinabi ng Palasyo na dapat itong managot.
“Kapag nagkataon na ito ay totoo at may umabuso, dapat lang pong mapanagot kung sino ang mga umaabuso,” sabi ni Castro.
“Pero ang tinitiyak lang natin ay ayaw ng Pangulo na ang ating mga manlalaro ay hindi nabibigyan ng sapat na ayuda,” dagdag niya. /Bistado


