Dalawang Pilipino ang nasawi habang hindi bababa sa walo ang malubhang nasugatan nang lumihis sa highway at tumagilid ang sinasakyan nilang tour bus sa Bavaria, Germany, nitong Linggo, September 27.
Papunta sa Munich para sa Oktoberfest ang grupo mula Milan, Italy, nang maaksidente ang bus sa A96 highway malapit sa Buchloe, kanluran ng Munich.
Ayon sa German authorities, naganap ang aksidente bandang 5:41 a.m. local time. Lumabas umano sa kalsada ang bus bago tumagilid sa gilid ng highway. Hindi pa matiyak ang dahilan ng aksidente at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Anim sa malubhang nasugatan ang isinakay sa rescue helicopters patungo sa mga ospital, habang dalawa ang dinala sa pamamagitan ng ambulansya. Isa sa kanila ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon.
Dalawang Italian bus driver din ang sakay ng sasakyan at kapwa hindi nasugatan. Pansamantalang isinara sa magkabilang direksyon ang bahagi ng motorway habang nagsasagawa ng rescue operation at inaalis ang tumagilid na bus.
Kinumpirma ng Philippine Consulate General in Frankfurt (PCG Frankfurt) na 33 Pilipino ang kabilang sa grupo.
“The group, comprising of a reported 33 Filipinos, was travelling from Milan to Munich when the accident occurred. PCG Frankfurt confirms that two individuals have died in the accident,” pahayag ng konsulado.
Hindi muna inilabas ang mga pangalan ng dalawang nasawi. Sa paunang impormasyon ng German police, isa sa kanila ay isang 58-anyos na lalaking Pilipino. Hindi pa natutukoy sa mga unang ulat ang pagkakakilanlan ng ikalawang biktima.
Kinumpirma rin ng konsulado na dinala sa iba’t ibang ospital sa Bavaria ang ilang miyembro ng grupo, habang ang mga hindi nangangailangan ng pagpapaospital ay nasa pangangalaga ng Red Cross.
“A number have been brought to various hospitals in Bavaria for treatment of their injuries while the rest are safe in the care of the Red Cross,” saad ng PCG Frankfurt.
Nakikipag-ugnayan na ang PCG Frankfurt at Philippine Honorary Consulate in Munich sa German authorities at Philippine Migrant Workers Office upang mabigyan ng tulong ang mga biktima at kanilang pamilya.
Binisita na rin ng mga kinatawan ng honorary consulate ang ilan sa mga apektadong Pilipino. Patuloy namang inaalam ng PCG Frankfurt ang kalagayan at kinaroroonan ng lahat ng miyembro ng grupo.
“PCG Frankfurt extends its deepest condolences to the families of the deceased and continues to monitor the condition of those injured,” pahayag ng konsulado. /Bistado


