Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mary Jane nakauwi na sa pamilya, DMW ayuda nakahanda

Nakapiling na ni Mary Jane Veloso ang kanyang pamilya matapos lumabas sa kulungan pasado hatinggabi nitong Sabado, September 26, kasunod ng absolute pardon na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr.

Kasabay ng kanyang paglaya, naghahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration ng reintegration assistance para matulungan si Veloso at kanyang pamilya na makapagsimulang muli.

Inatasan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang isang team na direktang makipag-ugnayan sa pamilya ni Veloso sa Nueva Ecija para bumuo ng programang akma sa kanilang pangangailangan.

“Our instructions are clear: The DMW must stand shoulder-to-shoulder with Mary Jane, her children and her parents as they rebuild their lives,” sabi ni Cacdac.

“Our team heading to Nueva Ecija will work directly with the family and local stakeholders to develop a tailored reintegration program.”

Kabilang sa inihahandang tulong ang psychosocial counseling, livelihood starter kits, enterprise capital at skills training. Ikokonekta rin ang magiging kabuhayan ni Veloso sa local cooperatives at economic opportunities sa Nueva Ecija.

“Reintegration is not merely about coming home – it is about restoring dignity, ensuring financial self-sufficiency, and enabling Mary Jane to contribute to her local community and economy,” ani Cacdac.

Humaharap naman si Veloso sa panibagong buhay matapos ang mahabang pagkakakulong. Kasama ang kanyang mga magulang, humarap siya sa media sa Siena College sa Quezon City nitong Sabado, kung saan idinaos din ang Thanksgiving Mass.

Plano muna niyang magpahinga, makasama ang pamilya at bumisita sa simbahan sa kanyang hometown.

“Bonding po muna talaga, kakain po kaming buong pamilya sa Nueva Ecija,” sabi ni Veloso.

May mensahe rin siya sa kanyang recruiters.

“Sabihin niyo na po ang katotohanan na wala talaga akong kasalanan. ’Yung isang kagustuhan ko naman makasama ko pamilya ko, nakasama ko na,” aniya.

“’Yun na lang po [ang gusto ko], marinig mismo sa bibig nila na wala akong kasalanan,” dagdag niya.

Inaresto si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos matagpuan ang 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe at hinatulan ng kamatayan. Iginiit niyang wala siyang alam sa droga at biktima siya ng human trafficking matapos umano siyang linlangin ng recruiters na magdala ng maleta.

Nakaligtas siya sa execution noong 2015 matapos humiling ang Pilipinas sa Indonesia na bigyan siya ng pagkakataong tumestigo laban sa kanyang umano’y human traffickers.

Matapos ang prisoner transfer arrangements ng Pilipinas at Indonesia, ibinalik si Veloso sa Manila noong December 2024 at inilipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Nilagdaan ni Marcos ang kanyang absolute pardon noong September 24.

Matapos ang mahigit isang dekadang pagkakakulong, pamilya at pagpapahinga muna ang tututukan ni Veloso habang inihahanda ng DMW ang tulong para sa kanyang pagbabalik sa komunidad. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles