Sinita ng House prosecution ang umano’y maka-China na postura ng kampo ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng pag-ungkat sa sinasabing corporate link na nais nitong masusing siyasatin.
Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na mula sa nakaraang administrasyon hanggang ngayon, kapansin-pansin umano ang mga pahayag at posisyon ng Duterte camp na pabor sa Beijing.
“Mukhang friendly sila sa narrative ng China,” ani Alonto Adiong. “They’re not even hiding it,” dagdag niya.
Tinukoy ni Alonto Adiong ang mga pampublikong pahayag at policy positions ng kampo at hindi nag-akusa ng criminal offense.
Iniugnay rin niya ang usapin sa Gencorp Industries Inc., kumpanyang idineklara ni Duterte bilang business interest sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Ayon kay Alonto Adiong, dating Timesquare Bee Foods Corp. ang Gencorp. “Based on our information, this company is owned by a Chinese national,” sabi niya.
Hindi naman tinukoy ni Alonto Adiong sa forum ang dokumentong pinagmulan ng naturang impormasyon at hindi niya ito iniharap bilang finding ng Securities and Exchange Commission. Nauna nang natalakay sa impeachment trial ang corporate records ng Gencorp, ngunit impeachment court ang magtatakda ng bigat ng ebidensiyang iniharap.
Para kay Alonto Adiong, dapat suriin ang corporate records kasabay ng mga naging pahayag at posisyon ng Duterte camp tungkol sa China.
“Mukhang mayroong proximity in terms of engagement with the Chinese government or with any Chinese entity,” aniya.
Hindi niya sinabi na patunay ito ng kontrol ng Beijing sa kampo ni Duterte. “If we go back to statements, positions that they have made, I think it has always been friendly to China,” ani Alonto Adiong.
Iginiit ni Alonto Adiong na Philippine interests ang dapat unahin ng elected officials sa usaping foreign policy.
“That should be the primary consideration that our elected officials should stand on—that dapat interest po ng ating bansa always ang ating tayuan,” sabi niya. /Bistado


