Arestado ang 87 wanted persons sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region matapos ang sunod-sunod na law enforcement operations ng Police Regional Office 5 (PRO 5).
Ayon sa Philippine National Police (PNP), bahagi ang operasyon ng patuloy na pagtugis sa fugitives at pagpapalakas ng public safety sa mga komunidad.
Kabilang sa mga naaresto ang apat na regional most wanted persons.
Isa sa kanila ang kilala sa alyas na “Rick,” na naaresto sa Cataingan, Masbate dahil sa kasong murder.
Naaresto rin sa Palanas, Masbate ang alyas na “Win,” na nahaharap din sa kasong murder. Ayon sa ulat, una na rin siyang natukoy na may koneksyon sa isang communist terrorist group.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto sa Masbate province ang alyas na “Bert,” na wanted din sa kasong murder.
Nahuli naman sa Cawayan, Masbate ang alyas na “Waldo,” na kaugnay ng multiple counts of rape.
Ayon sa mga awtoridad, ipinapakita ng magkakaugnay na operasyon ang tuloy-tuloy na kampanya laban sa mga indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kasong kriminal.
Bukod sa apat na regional most wanted persons, iniulat din ng PRO 5 ang pagkakaaresto ng limang provincial most wanted persons, sampung municipal most wanted persons, at 68 pang wanted individuals na may iba’t ibang kasong kriminal.
Isinagawa ang simultaneous operations ng iba’t ibang police units sa buong rehiyon. /Bistado


