Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

84 nawawala sa Palawan ferry fire, 39 survivors nasa ospital pa

Nasa 84 katao ang nananatiling nawawala matapos masunog ang passenger roll-on/roll-off (Ro-Ro) cargo vessel MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes, September 11.

Ibinaba ang bilang mula sa naunang 86 matapos makumpirmang dalawang indibidwal na nakalista sa ticket manifest ang hindi pala nakasakay sa barko bago ito bumiyahe.

“Nakatanggap kami ng impormasyon mula sa dalawang indibidwal na, accordingly, kasama sila sa ticket manifest, pero noong panahon ng boarding, hindi sila nakasakay o nakasama dito sa barko,” ani PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab.

Sa 43 kumpirmadong survivors, 39 ang nananatiling naka-confine sa iba’t ibang ospital hanggang Huwebes ng gabi, habang may ilan nang nakalabas. Lima naman ang naiulat na nasawi.

Patuloy ang firefighting operations sa MV June Aster. Hindi pa lubos na masuri ng PCG ang kondisyon ng barko dahil sa patuloy na pag-usok.

Hindi rin natuloy nitong Huwebes ang planong pagpapalipad ng helicopter para sa aerial survey dahil sa lagay ng panahon, ngunit nananatili itong naka-standby.

Batay sa salaysay ng survivors, nagsimula ang insidente sa isang malakas na pagsabog malapit sa cargo hold bago mabilis na kumalat ang apoy. Ayon kay Cayabyab, posibleng pinalala ng malakas na hangin ang pagkalat ng apoy kaya maraming pasahero ang hindi na nakakuha ng life jacket bago tumalon sa tubig.

Iniimbestigahan pa kung lahat ng pasahero ay nabigyan o may suot na life jacket at kung nasunod ng crew at kapitan ang emergency procedures nang sumiklab ang sunog.

“Definitely nakikita po natin, with the number of missing, with the number of casualties, definitely meron pong liability dito,” ani Cayabyab.

Gayunman, matutukoy pa sa imbestigasyon ang lawak ng pananagutan.

Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ang deployment ng lahat ng available resources sa search operations, kabilang ang dalawang barko, helicopter at medical personnel. Binabantayan din ang karagatan para sa posibleng oil sheen.

Nanawagan ang PCG sa pamilya ng mga hindi pa natatagpuan na makipag-ugnayan sa Emergency Operations Center sa Coron upang makatulong sa pagberipika ng listahan ng nawawala laban sa manifest.

Nasunog ang MV June Aster nitong Miyerkules ng gabi habang bumibiyahe mula Batangas patungong Coron. Ayon sa PCG, pumasa ang barko sa Vessel Safety Enforcement Inspection noong March 2026 at nakitang compliant sa safety requirements noong panahong iyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles