ZAMBOANGA CITY — Pinagmulta ng Regional Trial Court (RTC) Branch 41 ang anim na residente ng Barangay Mariki ng tig-P20,000 matapos silang umamin sa paglabag sa batas kontra pagnanakaw ng kuryente.
Kinilala ang mga nasakdal na sina Aldhazer Uding, Alrasid Ibnohasim, Basil Hamja, Abdurajak Pulalon, Adzhar Jumala at Sattal Ababon.
Inilabas nitong Biyernes ni RTC Branch 41 Judge Jules Christian Marcos ang kautusan kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.
“During the arraignment, all the accused voluntarily entered a plea of guilty,” ayon sa pahayag ng Zamboanga City Electric Cooperative (Zamcelco).
“Based on their plea, the court found all the accused guilty beyond a reasonable doubt and penalized each to pay a fine of PHP20,000,” dagdag nito.
Nag-ugat ang kaso sa pinagsanib na operasyon noong May 20 ng National Bureau of Investigation (NBI), Zamcelco at iba pang law enforcement agencies laban sa umano’y ilegal na paggamit ng kuryente.
Pinaalalahanan ng Zamcelco ang publiko na may mabigat na pananagutang kriminal at pinansyal ang pagnanakaw ng kuryente.
Sa ilalim ng RA 7832, kailangang bayaran ng mapapatunayang lumabag ang utility o electric cooperative ng doble sa tinatayang halaga ng ilegal na nakonsumong kuryente, na tinatawag na differential billing.
Bukod dito, maaaring ipataw ng hukuman ang parusang prision mayor, multang P10,000 hanggang P20,000, o pareho.
“This marked our fourth conviction involving electricity pilferage cases, showing that Zamcelco is serious in pursuing violators and ensuring that those who compromised the integrity of our electric distribution system are held accountable,” ani Zamcelco chief management officer Rommel Agan.
“We remain committed to working with law enforcement agencies to enforce the law,” dagdag niya.
Nag-aalok din ang Zamcelco ng P5,000 tipster reward sa mga impormanteng mapatutunayang tama ang sumbong matapos ang kaukulang imbestigasyon. /Bistado


