Apat na manlalaro ng Barangay Ginebra ang kasama sa labindalawang napili para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa susunod na window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Inanunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas nitong Huwebes na pangungunahan ng naturalized player na si Justin Brownlee ang pambansang koponan, kasama ang mga kakampi na sina Scottie Thompson, RJ Abarrientos at Troy Rosario.
Makakasama rin nila ang mga beteranong sina June Mar Fajardo, Chris Newsome, Dwight Ramos, AJ Edu, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
Bagong mukha sina Mike Philips at Justin Baltazar.
Aalis ang pambansang koponan para sa huling window ng qualifiers sa Hunyo 23 at magsasagawa ng hindi bababa sa isang linggong training camp sa Auckland, New Zealand.
Maglalaro ang Gilas laban sa New Zealand sa Hulyo 3 at pagkatapos ay lilipad patungong Perth, Australia sa Hulyo 6 para sa laban nito kontra sa Boomers.
Kasalukuyang tabla ang Pilipinas at New Zealand sa Group A na may parehong 2-2 rekord, kasunod ng walang talong Australia na may 4-0 marka.
Nasa ibaba naman ng standings ang Guam na may 0-4 rekord.
Nagsagawa agad si coach Tim Cone ng ensayo ng Gilas sa SMC Sports Complex sa Mandaluyong City, wala pang 24 oras matapos ang 88-76 panalo ng Kings laban sa TNT Tropang 5G sa sa PBA Commissioner’s Cup finals Game 7 Miyerkules ng gabi
Hindi muna sumama sa ensayo sina Brownlee, Abarrientos, Rosario at Thompson.
Ayon sa Gilas coach, nagsagawa ang pambansang koponan ng unang araw ng ensayo noong Miyerkules kung saan anim na manlalaro lamang (Ramos, Edu, Tamayo, Quiambao, Philips, at Baltazar) ang dumalo sa pangangasiwa ng mga deputy coach na sina Jong Uichico, Sean Chambers at LA Tenorio.
“Only half of the team showed up because most of these guys are off season,” ani Cone tungkol sa mga manlalarong dumalo sa unang araw ng ensayo, na karamihan ay may kontrata sa B. League ng Japan o Korean Basketball League.
“So we need to bring them back early to get them back in shape.”
Nais ni Cone na makarating ang Gilas sa New Zealand isang linggo bago ang laban nito kontra Tall Blacks upang makaangkop sa klima.
Bago lumipad patungong Auckland, sinabi ni Cone na plano ng Gilas na magsagawa ng media day at open practice sa Hunyo 22.


