Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2027 budget proposal: P3.75-B ‘lifeline’ sa 25K cancer patients; ayuda hanggang P150K bawat isa

Aabot sa 25,000 cancer patients ang maaaring makatanggap ng hanggang P150,000 bawat isa sa ilalim ng panukalang P3.75-bilyong Cancer Assistance Fund (CAF) ng Marcos administration para sa 2027.

Nakapaloob ang pondo sa Fiscal Year 2027 National Expenditure Program (NEP) at gagamitin para sa cancer prevention, screening, early detection, diagnosis, treatment, gamot, diagnostic at laboratory procedures, at iba pang kaugnay na serbisyo.

Mas mataas nang P2.25 bilyon, o 150 porsiyento, ang panukalang alokasyon kaysa P1.5 bilyong CAF sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA). Katumbas ito ng dalawa at kalahating beses ng kasalukuyang pondo.

Kung ihahambing naman sa P1.25 bilyong orihinal na panukala sa 2026 NEP, mas malaki nang P2.5 bilyon, o 200 porsiyento, ang pondong hinihingi para sa susunod na taon.

Ipamamahagi ang tulong sa pamamagitan ng 36 designated cancer care access sites sa mga ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DOH) at local government units (LGUs). Nasa Luzon ang 23 sa mga pasilidad, lima sa Visayas at walo sa Mindanao.

“This historic increase will enable more Filipinos battling cancer to receive timely screening, early diagnosis, life-saving treatment, essential medicines, and the financial assistance they need without forcing their families into deeper financial hardship,” pahayag ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert De Leon.

Binigyang-diin din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2027 Budget Message na layon ng mas malaking pondo na mapalawak ang access sa mahahalagang cancer services sa buong bansa.

“Available to 36 designated cancer care access sites in DOH-retained and LGU-operated hospitals nationwide, this funding will expand access to timely diagnosis and life-saving treatment for patients battling the country’s deadliest cancers, including breast, lung, colorectal, and liver cancer,” ayon sa Pangulo.

Maaaring makinabang sa CAF ang mga kwalipikadong cancer patient, persons living with cancer, cancer survivors at iba pang eligible beneficiaries.

Panukala pa lamang ang P3.75-bilyong pondo at kailangan pang dumaan sa proseso ng pag-apruba ng 2027 national budget. Kapag naisabatas, magiging direktang tulong ito sa gastusin ng libo-libong pasyenteng nangangailangan ng tuloy-tuloy na cancer care. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles