Dalawampung urban poor beneficiaries ang tumanggap ng land titles mula sa Social Housing Finance Corp. (SHFC) kasabay ng paglagda nito ng kasunduan sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) nitong Martes.
Nilagdaan nina SHFC President at Chief Executive Officer Federico Laxa at PCUP chairperson Undersecretary Michelle Anne Gonzales ang memorandum of understanding upang palakasin ang koordinasyon sa pagpapalawak ng access ng mga urban poor community sa government housing programs.
Iginawad din ng SHFC ang transfer certificates of title sa mga benepisyaryo mula sa Samahang Mapalad ng Amparo Homeowners Association at Villa Enrico Heights Homeowners Association Phase V sa Caloocan City.
Tumanggap din ng titulo ang mga benepisyaryo mula sa Samahang Magkakapitbahay ng Rosepacking Homeowners Association Inc. sa Valenzuela City.
Isinagawa ang aktibidad sa pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng Community Mortgage Program (CMP) na may temang “Bahay, Buhay, Magandang Kinabukasan.”
Ayon sa SHFC, panimula ito ng mga katulad na pamamahagi ng titulo sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong anniversary month.
Nagpasalamat si Samahang Mapalad ng Amparo President Carmelia Maglinao sa pagkakaloob ng mga titulo sa kanilang mga miyembro. Aniya, nagbibigay ito sa mga pamilya ng security of tenure at pag-asa para sa mas magandang kinabukasan.
Isa ang CMP sa flagship housing programs ng SHFC sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program ng Department of Human Settlements and Urban Development. /Bistado


