Kinomfort ni Vice President Sara Duterte si expelled Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa isang open letter matapos siyang patalsikin ng House of Representatives dahil sa disorderly behavior, conduct unbecoming of a member, at iba pang paglabag sa House rules.
Sa open letter na may petsang June 3, sinabi ni Duterte na wala siyang numero ni Barzaga kaya Facebook post na ang ginamit niyang paraan para magpaabot ng mensahe.
“I do not have your number so an FB post is the next best thing,” ani Duterte sa liham na naka-address kay “KB.”
Noong Martes, 265 House members ang bumoto para patalsikin si Barzaga. Labing-apat ang bumoto laban sa expulsion, habang walo ang nag-abstain.
Bago ang kanyang expulsion, dalawang beses na ring nasuspinde si Barzaga ng tig-60 araw dahil sa gross misconduct at defamatory allegations laban sa kapwa mambabatas sa pamamagitan ng offensive social media posts.
Sa liham, sinabi ni Duterte kay Barzaga na ayos lang ang maging iba.
“Being different is okay,” ani Duterte.
“It takes grit to be yourself in a world that rewards conformity. Not everyone will understand your choices or the path you take, and that’s okay. What matters is staying true to who you are and what you believe in,” dagdag niya.
Si Barzaga, na kilala rin online bilang “Congressmeow,” ay naging laman ng batikos dahil sa kanyang hilig sa pusa at sa kakaibang antics tulad ng pag-meow sa ilang interviews at speeches.
Pero inihalintulad ni Duterte ang sitwasyon ni Barzaga sa kanyang sariling karanasan.
“Ako man ay itinuturing na kakaiba. Ilang beses na akong tinawag na baliw, bobo, at kung anu-ano pa dahil lamang sa pagtangging sumunod sa nakasanayan,” ani Duterte.
Si Barzaga ay vocal na tagasuporta ni Duterte. Bago siya pinatalsik, na-flag siya dahil sa pag-insulto kay President Ferdinand Marcos Jr., pagbanggit sa isang kamakailan lang namayapang congressman, pagbiro tungkol sa pagsunog sa Batasang Pambansa building, at pag-akusa sa mga mambabatas ng pagtanggap umano ng multimillion-peso bribes nang walang sapat na ebidensya.
Sa kanyang liham, pinuri ni Duterte si Barzaga sa mga bagay na aniya ay hindi nito ginawa.
“You are different because you have never been convicted of child abuse, never brought home “maletas” of public funds, never allowed cocaine and alcohol to flow from your office, and never said yes to corruption and oppression,” ani Duterte.
Sinabi rin ng Vice President na ayos lang kahit minsan mag-isa sa paninindigan.
“Walking alone is okay, too,” ani Duterte.
“It takes courage to charge forward even if no one will follow you. Your resolve is a daily reminder that character matters more than conformity. The strength you show inspires more Filipinos than you may ever know,” dagdag niya.
Sa dulo ng liham, naging personal ang mensahe ni Duterte at binanggit ang kalagayan ni Barzaga.
“Alam kong may sipon ka ngayon. Uminom kang Vitamin C at damihan ang tubig na iniinom. Magpagaling ka,” ani Duterte.
“Mahal ka ng Diyos, mga Caviteño, mga Dabawenyo, mga agila at ng mga pusa,” pagtatapos ni Duterte. /Bistado


