Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara, ’di pa lusot sa confidential funds; plunder, malversation maaaring isampa

Posibleng maharap sa kasong plunder at malversation si Vice President Sara Duterte kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng kanyang mga dating pinamunuang tanggapan kahit binawi na ang naturang impeachment charge laban sa kanya.

Ito ang sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ngayong weekend. Anang mambabatas, maaari pa ring imbestigahan ang umano’y maling paggamit ng pondo.

“Well, unang-una na po, dahil ang amount na involved ay P612 million, masyadong mataas po ito sa threshold ng plunder, so yun na po, isa po yun. Bukod po dito, siyempre, nandiyan pa po yung malversation, so forth and so on,” sabi ni Chua.

Sakop ng kontrobersiya ang P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon ng Department of Education (DepEd), na kapwa pinamunuan ni Duterte sa panahong sinisiyasat.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Plunder Law, kailangang mapatunayan ang pagkamal ng hindi bababa sa P50 milyong ill-gotten wealth sa pamamagitan ng serye o kombinasyon ng mga ilegal na gawain.

“Pero ito po kasi yung pinakamabigat na nakikita po natin, yung plunder, dahil po sa amount involved,” ani Chua.

Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugang ninakaw o ilegal na nakuha ang buong P612.5 milyon. Kailangang mapatunayan ang mga elemento ng krimen bago maaaring magkaroon ng conviction.

Samantala, ang malversation ay tumutukoy sa ilegal na pagkuha, paggamit o paglustay ng pampublikong pondo ng isang accountable public officer.

Nauna nang pinagtibay ng Commission on Audit (COA) noong October 5 ang disallowance ng P73.287 milyong confidential expenses ng OVP noong December 2022 dahil sa kakulangan ng sapat na dokumentasyon.

Balak namang kuwestiyunin ng kampo ni Duterte ang naturang desisyon sa Supreme Court.

Noong October 13, binawi ng House prosecution ang Article I tungkol sa confidential funds, kasama ang dalawa pang impeachment charges, upang magpokus sa Article II o unexplained wealth.

Pero ayon kay Chua, hindi nito inaalis ang posibilidad ng hiwalay na kasong kriminal.

“Pangalawa, yung conviction po, hindi po ibig sabihin kapag na-convict ka sa impeachment ay makukulong ka na, dahil ang penalty lamang po nito ay removal from office at perpetual disqualification from public office. Now, yung criminal aspect po o civil aspect, iba pa po yun,” paliwanag niya.

“Tama po kayo. So ang mangyayari po niyan, once na na-convict na po siya, ibig sabihin tanggal na po siya sa kanyang tungkulin bilang Bise Presidente at magpapatuloy pa rin po yung kanyang mga kaso,” dagdag ni Chua.

Nasa Office of the Ombudsman ang pagpapasya kung may sapat na ebidensiya at probable cause para magsampa ng plunder, malversation o iba pang kaso. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles