Nagdagdag ang Pilipinas ng 21 pang medalya, kabilang ang 11 ginto, sa Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Si Alexsandra Ann Diaz ng Zamboanga City ay naghatid ng tatlong gintong medalya sa Youth women’s 49-kg division matapos magbuhat ng 77 kg sa snatch at 92 kg sa clean and jerk para sa kabuuang 169 kg.
Ang 15-anyos na pamangkin ng Olympic champion na si Hidilyn Diaz ay nakakuha rin ng dalawang bronze (77 kg sa snatch at 169 kg sa total) sa Junior category.
Nakamit din ni Jerick Icon Castro ang tatlong gintong medalya sa Youth men’s 60-kg division. Nakabuhat siya ng 116kg sa snatch at 144 kg sa clean and jerk (bagong Asian Youth record) para sa kabuuang 260 kg.
Si Kirby Kent Alas-as, na sumali rin sa Youth men’s 60-kg category, ay nakakuha ng dalawang bronze mula sa snatch (110 kg) at total (243 kg).
Isa pang Zamboangueña, si Jhodie Peralta, ay nanalo sa snatch (86kg), pangalawa sa clean and jerk (102kg) at panalo best total na 188kg sa Youth women’s 53-kg division. Mayroon din siyang ginto sa snatch (86kg) at silver sa total (188kg) sa Junior category.
Sa iba pang resulta sa Junior category, nasungkit ni Prince Keil Delos Santos ang ginto sa snatch (120 kg) at ang bronze sa clean and jerk (144 kg) at total (264 kg) sa men’s 60-kg.
Nakuha naman ni Angeline Colonia ang ginto sa snatch (80 kg) at mga silver sa clean and jerk (93 kg) at total (173 kg) sa women’s 49-kg division.
Mayroon ng 26 medalya ang Pilipinas (13 gold, 6 na silver at pitong bronze) matapos ang tatlong araw ng kompetisyon.
Nanalo si Althea Bacaro ng dalawang gold sa Youth women’s 45-kg division habang nagdagdag si Jay-r Colonia ng dalawang silver at isang bronze sa Youth men’s 56-kg division noong Biyernes.


