Mariing itinanggi ni Senador Loren Legarda ang mga alegasyon ng plunder, graft at conflict of interest laban sa kanya, sa anak niyang si Batangas Rep. Leandro Leviste at kay dating Energy secretary Alfonso Cusi kaugnay ng umano’y “ghost electricity” projects.
Nasa preliminary investigation na ng Office of the Ombudsman ang mga reklamo. Maaari itong humantong sa pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan kung makakita ang anti-graft body ng sapat na batayan.
“Mula nang magsimula akong maglingkod sa bayan noong 1998, hindi ako kailanman lumihis sa landas ng integridad, isang katangiang lubos kong pinanghahawakan. Ang alegasyong ito ay isang hindi makatarungang pagdungis sa aking pangalan at dangal,” pahayag ni Legarda.
Nilinaw niyang wala pa silang natatanggap na komunikasyon mula sa Ombudsman hinggil sa imbestigasyon.
“Wala pa kaming natatanggap na anumang komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga alegasyong ito, ngunit buong katiyakan kong sinasabi na ang mga ibinabalitang paratang ay lubos na hindi totoo at walang anumang batayan. Walang pondo ng bayan na sangkot. Handa kaming ilahad ang katotohanan,” dagdag niya.
Ayon sa mga imbestigador, umano’y nagsabwatan sina Legarda, Leviste at Cusi upang makakuha ng mga karapatan sa solar energy resources ng bansa sa pamamagitan ng mga hakbang na lehislatibo at regulatoryo.
“We’ve been hitting ghost projects, but this one is ghost electricity,” ani Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Itinatag ni Leviste ang Solar Philippines Power Project Holdings Inc. noong 2013. Nakakuha umano ang mga kumpanyang konektado sa kanya ng mahigit 30 service contract mula sa pamahalaan.
Ayon sa Ombudsman, marami sa mga proyektong saklaw ng mga kontrata ang hindi naipatayo gaya ng ipinangako. Umabot umano sa P10.44 bilyon ang hindi nabayarang obligasyong pinansyal mula sa mga nakanselang kontrata.
Iniuugnay ng Ombudsman si Legarda sa usapin dahil chairman siya noon ng Senate Committee on Finance. Itinanggi naman ng senador na ginamit niya ang posisyon upang tulungan ang anak.
Noong July 2019, nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11357, na nagbigay ng 25-taong nonexclusive franchise sa Solar Para sa Bayan Corporation ni Leviste. Nauna nang iginiit ni Legarda na hindi siya bumoto sa panukala “out of delicadeza.”
Hinimok naman ng senador ang publiko na suriin ang panahon at konteksto ng paglabas ng mga alegasyon.
“Nananawagan kami sa publiko na maging mapanuri, lalo na kung isasaalang-alang ang panahon at konteksto ng paglabas ng mga alegasyong ito. Buo ang aming paniniwala na kapag nailahad na ang buong katotohanan, mapapawalang-sala kami at malilinis ang aming mga pangalan,” ani Legarda.
Wala pang agarang pahayag sina Leviste at Cusi sa pagsulong ng preliminary investigation. /Bistado


