Walang nakitang dokumentadong dividend sa corporate records na sinuri sa impeachment trial na maiuugnay sa paglago ng idineklarang net worth ni Vice President Sara Duterte, batay sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC) na iprinisenta sa impeachment trial ngayon araw.
Dalawang usapin ang tinutukan ng prosecution sa trial: May business interest ba si Duterte, at may dokumentado bang lawful income mula sa mga kumpanyang ito na makapagpapaliwanag sa pagtaas ng kanyang net worth?
Sa pagdinig, tinanong ni Senate President Win Gatchalian si SEC Director Atty. Gerardo F. Del Rosario matapos suriin ang company-by-company summary ng General Information Sheets at audited financial statements.
“Tama po ba na sa lahat po ng mga corporations na may kaugnayan kay Vice President Sara at kay Manases Carpio, wala po ni isa ang nag-declare ng dividends?” tanong ni Gatchalian.
“Tama po. Wala pong information kung nag-declare sila ng dividend,” sagot ni Del Rosario.
May mahalagang distinction sa sagot ng SEC witness. Para sa ilang kumpanya, walang impormasyon sa available General Information Sheet (GIS) at financial statements na nagpapakitang nagdeklara ng dividends. Sa ibang kumpanyang walang audited financial statements sa mga rekord na sinuri, walang datos para matukoy kung nagkaroon ng dividend declaration.
Hindi rin personal na kita ni Duterte ang sales at profits na nakasaad sa financial statements. Nilinaw ni Del Rosario na corporate figures ang mga ito at hindi patunay na natanggap ng Vice President bilang sariling income.
“Kung ayon po rito at wala po siyang natanggap na benepisyo o dividend, hindi ko po alam kung mayroon siyang ide-deklarang kinita out of these corporations,” ani Del Rosario.
Mula P7,250,497 noong 2007, umabot sa P98,656,131.20 ang idineklarang net worth ni Duterte noong 2025, dagdag na P91,405,634.20.
Ang kanyang December 31, 2024 SALN naman ay nagtala ng P98,462,370.22 na assets, P9,950,000 na liabilities at P88,512,370.22 na net worth. Pagsapit ng 2025, nasa P98,656,131.20 na ang kanyang declared net worth, o P10,143,760.98 na mas mataas kaysa 2024.
Nakalista sa 2024 at 2025 SALNs ni Duterte ang Metro City Chow Foods Corporation at Gencorp Industries Inc. bilang kanyang business interests.
Sa Metro City Chow, ipinakita ng SEC records na mayroon siyang 500 shares na nagkakahalaga ng P50,000, katumbas ng 20-percent interest. Nakalista rin siya bilang director hanggang 2025 at miyembro ng compensation committee.
Walang impormasyon sa available records na sinuri sa pagdinig na nagpapakita ng dividend declaration mula sa kumpanya.
Iba naman ang lumitaw sa Gencorp. Idineklara ni Duterte sa kanyang SALNs na stockholder siya nito, pero sinabi ni Del Rosario na hindi lumitaw ang kanyang pangalan sa incorporation papers o GIS filings na sinuri sa korte.
Mula 2021 hanggang 2024, nagpakita ang financial statements ng Gencorp ng kabuuang company sales na P1,042,746,818 at company net income na P8,039,201.
Sinabi ni Del Rosario na walang impormasyon sa financial statements at GIS na sinuri na nagpapakitang nagdeklara ng dividend ang Gencorp sa naturang panahon. Hindi rin tinukoy bilang personal income ni Duterte ang sales at net income ng kumpanya.
Sinilip din ni Gatchalian ang financial condition ng iba pang kumpanyang nasa SEC presentation. Tinukoy niya ang Gencorp, Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse at Mati City Ice Plant bilang exceptions sa loss pattern na kanyang napansin.
“Iyong mga deficit ang retained earnings po, hindi po makapag-declare ng dividend,” paliwanag ni Del Rosario.
Para naman sa mga kumpanyang hindi nakapaghain ng kinakailangang GIS o audited financial statements, sinabi ni Del Rosario na nagpapadala ang SEC ng notice para isumite ang kulang na reports.
“Kung ang corporation, stock man o non-stock, ay hindi nakapagsumite ng nasabing report, pinapadalhan po namin sila ng notice to submit,” ani Del Rosario.
“Kung magpapatuloy na hindi sila magsumite ng report, maaari po naming i-revoke ang kanilang certificate of registration,” dagdag niya.
Hindi sinabi ng SEC witness na walang ibang posibleng pinagmulan ng kita ni Duterte. Wala sa kanyang departamento ang records tungkol sa government compensation, inheritance o iba pang posibleng personal income ng Vice President.
“Puwede sa ibang source. Hindi lang dito sa corporations,” sabi ni Gatchalian.
Para sa prosecution, nananatiling tanong kung anong documentary evidence ang susuporta sa paglago ng idineklarang net worth.
“If you declare an amount in your SALN as your net worth at hindi ito masuportahan ng evidence to prove and justify that there was lawful income that will support this amount, this figure, then may malaking question mark,” ani prosecution Spokesperson Ace Barbers. /Bistado


